Walang imposible sa isang taong masinop at matiyaga.

Ito marahil ang naging inspirasyon ng isang Nanay na naging inspirasyon sa social media kamakailan lang. Ito ay dahil sa kahanga-hanga niyang dedikasyon at pagsisikap sa isang maliit na negosyo upang makaipon.

Mula sa pag-gawa at pagtitinda lamang ng ice candy, sa loob ng isang taon ay nakakahangang nakapag-ipon ang isang Rez Rid Moreno ng halagang Php 160 500!
Masayang binuksan ng Ginang na ito ang perang kanyang pinagsikapang maipon sa isang lata. Galing lahat ng ito sa kanyang kita sa pagtitinda lamang ng ice candy.

Ngunit, paano niya kaya ito nagawa?

Ayon kay Moreno, bawat araw ay sinisikap niyang makapag-hulog sa lata kung saan naroon ang kanyang ipon. Dalawang kaserola umano ng ice candy ang kanyang nagagawa bawat araw; ang isa ay nasa flavor ng mangga at ang isa ay buko.

                               Imahe galing kay Riz Red Moreno


Sa bawat 165 piraso ng ice candy na nagagawa niya sa isang kaserola, nabebenta ni Moreno ang mga ito ng limang peso kada piraso. Kumikita umano siya rito ng Php 825. Sa kitang ito, ayon kay Moreno ay Php 400 ang kanyang nakukuhang tubo.

Kaya naman, sa dalawang kaserolang ice candy na kanyang nagagawa araw-araw, tumutubo siya ng Php 800.

Ayon kay Moreno, sa Php 800 na ito ay itinatabi niya para sa kanyang ipon ang Php 500, habang ang natira ay siya namang pambayad niya sa kuryente.
               Imahe galing kay Riz Red Moreno

Matiyaga umano itong ipinagpatuloy at pinanatili ni Moreno sa loob ng isang taon. Walang palya ang kanyang paggawa ng ice candy araw-araw, maliban na lamang umano kapag mayroong bagyo o kapag hindi maayos ang kanyang pakiramdam.

Kaya naman, dahil sa dedikasyong ito, hindi siya nagsisi sa naging resulta ng kanyang tiyaga, pagsisikap, at pagiging masinop. Inani niya lang naman mula rito ang halagang Php 160 500.

Malaking bahagi umano ng inspirasyon ni Moreno sa paggawa nito ay ang PESO SENSE, isang Facebook page kung saan tumutulong ito sa mga tao kung paano maisagawa ang epektibong pag-iipon ng pera. Maliban kay Moreno, maraming tao na rin ang natulungan nito.

Sino ba naman ang makakapag-isip na sa simpleng pagtitinda lamang ng ice candy, sa dulo ng taon ay makaka-kamit ka ng halagang Php 160 500.
         Imahe galing kay Riz Red Moreno

Dahil rito, hindi mapagsidlan ang tuwa ni Moreno nang mabuksan na ang ipon. Isang tunay na magandang regalo sa kapaskuhan at sa pagsisimula ng panibagong taon.

Dahil sa matagumpay na pag-iipon, nagbigay na rin ng payo itong si Moreno sa kapwa niyang mga Nanay na hindi imposible na makahawak ng ganito kalaking pera nang mula sa iyong sariling tiyaga at pagsisikap.

“...kaya sa mga nanay, kahit nasa bahay lang kayo, kaya niyo ring makaipon. Sipag, tiyaga lang talaga, at disiplina pagdating sa pera.

“...sana [ay] naging inspirasyon ang ipon challenge ko na ito,” saad pa ni Moreno.
       Imahe galing kay Riz Red Moreno

Kaya naman, tunay na isang inspirasyon si Moreno sa maraming taong nais ring maging masinop at makaipon ng pera. Kung sa simpleng pagtitinda lang ng ice candy ay nagawa niyang maka-ipon ng ganito kalaking pera, kaya rin ito ng kahit sino basta’t huwag lamang susuko at pag-igihin lamang ang pagiging masikap.

Source: Facebook