Sa mundo na puno ng mga taong mapanghusga, pinatunayan ng magkarelasyon at nalalapit nang ikasal na sina Mary Rose Vargas at Danilo Nolasco Jr. mula ParaƱque na hindi hadlang ang kaibahan ng kanilang propesyon o trabaho sa kanilang 14 na taong relasyon.

Nakatakda nang ikasal ang dalawa at nagviral kamakailan lang sa social media ng kanilang kakaibang prenup photos. Bida sa mga larawan nilang ito ang tricycle na gamit ni Danilo sa paghahanapbuhay. Si Danilo ay namamasada ng tricycle habang si Mary Rose naman ay isang electrical engineer.

Ayon kay Mary Rose, aminado ito na mayroong mga tao na hindi maiwasang husgahan ang kanilang relasyon lalo na dahil sa magkaiba nilang propesyon. Ngunit, natutunan nilang dalawa na huwag itong pansinin na nagresulta naman sa matatag nilang relasyon na umabot na nga 14 na taon.

“Inisip nila na wala akong future sa kanya, na dapat humanap ako ng kapareho ko na professional. Pero wala po kaming pakialam, kasi kaya kami nandito para sa isa't isa para magtulungan hindi para maghilahan… 

“Minahal ko po siya bilang si Jr. himself, hindi sa kung anong propesyon o laman ng bulsa niya,” ani pa nga ni Mary Rose tungkol dito.

Panahon ng simbang gabi umano niligawan ni Danilo si Mary Rose at saktong pasko naman sila tuluyang naging magkarelasyon. Childhood sweetheart ikanga ang dalawa dahil 13 taong gulang pa lamang si Mary Rose nang makilala nito ang noon ay 16 na taong gulang pa lang din na si Danilo. 


“Nagkakilala po kami nung 13 years old pa lang po ako at 16 years old siya. Magkakalaro po kami nung teenage years namin. Nag-start po siya manligaw summer ng 2006,” pagbabahagi niya pa ulit tungkol dito.


Mula noon ay nagtuloy-tuloy na ang kanilang relasyon na ngayon ay mauuwi na nga sa kasalan. Nakatakdang ikasal ang mga ito sa susunod na buwan.

Samantala, hindi inakala ng dalawa na magiging viral ang kanilang mga prenup photos. Ngunit, masaya na rin ang mga ito lalo na’t mayroon umano silang mga tao na nabibigyan ng inspirasyon. 

Hindi naman ito mapagkakaila dahil maraming mga netizens ang natuwa sa love story nina Mary Rose at Danilo na nagpapatunay lamang na kapag totoong nagmamahal ay hindi hadlang kung anuman ang kanilang propesyon sa buhay.

Heto nga ang ilan sa mga komentong iniwan ng mga netizen sa viral prenup photos nina Danilo at Mary Rose:

“Modern world na tayo. Paubos na ‘yung mga toxic mag-isip ngayon. There will come a time na wala nang tataas ang kilay sa mga ganitong arrangement. Congrats & Best wishes!”


Nothing beats childhood friendships. And these two found love. Cool.

“Hindi naman mahalaga kung mayaman ka o mahirap ka. Ang mahalaga naman, ‘yung tanggap ka kung ano ka at sino ka. Ang importante, mahal niyo ang isa’t-isa. Hayaan niyo nalang mga taong mapanghusga. Di naman sila ‘yung magdidikta kung sino ‘yung dapat na mahalin.” 


“So Inspiring… It proves that it's not about the profession nor the possession, but the LOVE that lives within the hearts of every partner.”

Source: facebook