Nitong araw mismo ng mga puso ay marami ang nasaktan at napaiyak ng inilabas na music video ni Moira dela Torre ng kanyang kantang ‘Paubaya’ kung saan, gumanap ang dating loveteam na naging magkarelasyon din na sina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Sa music video, isang madamdaming eksena ang ipinakita kung saan, malayang inihayag ng dalawa ang kanilang nararamdaman sa isa’t-isa matapos ang animo’y hindi pagkakatuloy ng kanilang kasal.

Ngunit, ang pinaka nagpaantig sa mga netizen ay ang mga linya rito ng dalawa na animo’y hango sa totoong buhay. Animo’y ang mga linyang kanilang binitawan ay ang mga salitang nais nilang ihayag sa isa’t-isa matapos ang kanilang hiwalayan noong 2019.

Ayon sa mga netizen, ang naturang music video ay nagmistula umanong closure para sa dalawa na minsan ding minahal ang isa’t-isa ngunit, kailangang magpaubaya.

Mas nagpasakit pa sa damdamin ng mga netizen ay nang malaman nila na ang naturang mga linya ay isinulat mismo nina Julia at Joshua. Ayon pa nga sa ilan, base sa kanilang palitan ng mga linya ay walang sinundang diyalogo ang dalawa kundi malaya lamang nilang inilahad ang kanilang damdamin.

Bilang patunay nga umano ng madamdaming palitan ng linya nina Julia at Joshua ay nagbigay ng pahayag tungkol dito ang gumanap na pari sa music video na si Donald Lapez. Ayon dito, maging siya man umano ay naiyak sa naturang eksena ng dalawa matapos niya itong mapanood.


Nang kunan na raw kasi ang naturang eksena, pinalabas umano silang lahat maliban na lamang kina Joshua at Julia, ang direktor, kameraman, at sina Moira. Pinatotohanan nito ang teyorya ng marami na ang eksena ang nagsilbi umanong closure ng dalawa at walang anumang script na sinunod ang mga ito sa palitan nila ng linya.


Kaya naman, ang maging bahagi umano ng nasabing music video ay lubusang ipinagpapasalamat ni Donald. Pagbabahagi pa nga nito,

 “Bilang gumanap na pari sa music video na ito, kahit ako naiyak. I didn't know na gano'n na pala nangyayari sa loob kasi after ng take ko bilang pari, pinalabas kami lahat; at sina Moira, Julia, Josh, at direktor at cameraman lang ang nasa loob para magka-moment 'yung dalawa at magkaroon ng closure, as in no script or kung ano pa man, just pure words of forgiveness and love… 

“As in, nakakaiyak sobra ang mapanuod ko ito. Salamat sa lahat at naging bahagi ako ng music video na ito.”

Ang loveteam nina Julia at Joshua ay isa sa mga pinaka hinangaan at sinubaybayan ng publiko kaya naman, ang malamang naghiwalay ang mga ito ay napakasakit sa kanila. Nang taong 2019, nauugnay noon si Julia sa co-star niya sa pelikulang ‘Between Maybes’ na si Gerald Anderson.

Una namang naging magkatrabaho at nagkaloveteam sina Joshua at Julia noong 2016 sa pelikulang ‘Vince, Kath, and James’. Maraming mga tao ang agad na nagustuhan ang chemistry ng dalawa at nasundan pa ang mga ito ng ilang proyekto.


Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng proyekto ang JoshLia kasama si Moira. Nang muling magtambal ang mga ito sa pelikulang ‘Love You To The Stars And Back’ noong 2017, si Moira rin ang kumanta at sumulat ng kanilang theme song para rito.

Source: facebook