Kung tutuusin, magagamit na sana ni Lolo Rome Punla ang pera sa loob ng wallet na napulot nito sa Puerto Prinsesa, Palawan. Nasa ospital noon ang kanyang asawa at malaking tulong sana rito ang lamang pera ng pitakang kanyang napulot. Ngunit, mas nanaig pa rin dito ang kabutihan at hindi ito nagdalawang isip na ibalik sa may-ari ang napulot niyang wallet.

Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Clara Dorene Magbanua na isang matapat at mabuting tao ang nakapulot sa kanyang wallet. Saludo ito para kay Lolo Rome na wala man lang hininging kapalit at ang tangi lamang gustong gawin ay ang makatulong sa kapwa.

Ayon kay Clara, isang araw ay dumalaw umano ito sa kanyang bayaw kasama ang kanyang pamilya. Hindi niya naman umano na napansin na nawawala na pala ang kanyang wallet. Kaya naman, nagulat na lamang umano ito nang may tumawag sa kanya mula sa hindi nito kilalang numero.

Mabuti na lamang at sinagot ni Clara ang naturang tawag. Sa kabilang linya kasi nito ay si Lolo Rome na ipinapaalam sa kanya ang tungkol sa napulot nitong wallet. Gamit ang number ni Clara na nakita nito sa isa sa kanyang mga ID sa wallet, natawagan ni Lolo Rome si Clara.

Agad naman na pinuntahan ni Clara si Lolo Rome upang makuha nito ang wallet. Dito, lubusang humanga si Clara dahil sa kabutihang loob nito sa kanya. Matapos kasi nitong makuha ang wallet, inalok umano ito ni Clara ng pera bilang pasasalamat na rin sa kanyang pagsauli dito ng kanyang pitaka.


Ngunit, mariin na tumanggi si Lolo Rome sa alok na itong pera sa kanya ni Clara. Ayon dito, wala umano siyang ibang intensyon sa kanyang pagtulong gaya na lamang ng pera.

“Neng, hindi naman ako nanghihingi ng kapalit. Okay lang sakin kahit wala kang ibigay,” ani pa nga ni Lolo Rome.


Maliban sa ID, lahat umano ng mga ATM card ni Carla ay nasa loob ng naturang mga wallet. Maging ang PIN code umano ng isa sa mga ito ay maatagpuan lamang din doon. Mayroon din umanong pera na laman ang wallet.

Ngunit, saludo umano si Clara kay Lolo Rome dahil wala man lamang itong ginalaw sa loob ng wallet. Maliban sa ID na tiningnan nito para matawagan ang kanyang numero, wala na umanong ibang ginalaw o kinuha si Lolo Rome sa kanyang wallet. 

“Shotout kay tatay Rome Punla na taga Abad Santos, Puerto Prinsesa, Palawan na nakapulot ng wallet ko. Saobrang thank you po sa nagawa ninyo. Lahat ng cards ko nasa wallet ko. Nasa loob lang din ang PIN code ng isang card ko. May pera din po but I still received the exact amount. You called me gamit ang number na nakita mo sa ID ko…

“You even refuse the money na gusto kong ibigay bilang pasasalamat man lang sana sa pagbalik sa wallet ko. TAY, sana lahat ng tao tulad niyo. Thank you so much. You are a true hero. May God bless you always,” ani pa nga ni Clara sa kanyang viral FB post.

Mas nadagdagan pa ang paghanga niya rito nang ibunyag ni Lolo Rome na nang mga panahong iyon ay nasa ospital umano ang kanyang misis. Kung tutuusin, malaking tulong na sana sa kanilang gastos ang lahat ng nasa loob ng pitaka ni Clara ngunit, hindi ito kailanman naisip ni Lolo Rome.


Hindi rin umano ito ang unang pagkakataon na nakapulot siya ng pera kaya hindi na bago sa kanya ang magpamalas ng kabutihan. Dahil naman sa kanyang kabutihan, animo’y biniyayaan naman ng himala si Lolo Rome dahil pagbalik umano nito ng ospital ay nakabangon na ang kanyang misis.

“Hindi na ako nagdalawang-isip dahil marami rin akong mga problema na pinagdaanan at nakaraos ako. Ito pa kaya, hindi ako makaraos?” pagbabahagi pa nga ni Lolo Rome.

Source: phtrendy