Sa kanyang inilabas na Q and A vlog, sinagot ng dating aktres na si Rica Peralejo ang mga tanong na ibinahagi para sa kanya ng kanyang mga followers. 

Isa nga na nga sa mga tanong na ito na sinagot at binigyang linaw ni Rica ay ang tungkol sa naging relasyon nito dati sa aktor at dati niya ring nakatambal na si Piolo Pascual.

Taong 2006 nang unang mapabalita ang tungkol sa pagkakaroon umano ng relasyon ni Rica, 39, kay Piolo, 44, kung kailan, naging magkatambal din sila sa isang proyekto. Hindi naging malinaw noon sa publiko kung ano talaga ang naging relasyon ng dalawa.

Kaya naman, tanong isang netizen para kay Rica, naging magkarelasyon nga ba umano ang mga ito noon. Matapos ang 15 taon, sinagot ni Rica ang tungkol dito. 

Ayon sa dating aktres, hindi rin umano naging malinaw sa kanila ni Piolo kung ano talaga sila ngunit, sigurado umano sila noon na mayroon silang nararamdaman para sa isa’t-isa.

“Hindi ito pa-safe, ha — yes and no… Yes, in the sense na ang deep naming dalawa with each other. But we never put a label on ourselves. Never namin binigay iyon sa isa’t isa… 


“Hindi rin kami umamin sa public about dating or liking each other. I’m not sure kung umamin siya. Meron ba? Ako, I don’t recall saying — kasi I’ve been asked by several reporters about it — ‘Oo, kami’,” sagot pa nga rito ni Rica.

Sa kabila ng walang ‘label’ nilang relasyon noon ng aktor, naging malalim umano ang kanilang relasyon sa isa’t-isa na gaya rin ng kanyang mga dating nakarelasyon. Nabanggit niya pa nga rito ang kanyang ex-boyfriend na si Bernard Palanca.

“What I remember is that hindi ko rin alam kung ano nga ba talaga kami… But it was very clear to us that we liked each other a lot. We would talk about the future, like being husband and wife, and all that.

“But, you know, I did that also with Bernard… Ganoon naman pag may somebody ka na you want to be serious with. Sometimes, you can’t help but move forward with your thoughts na parang, ‘When that day comes…’ and all.

“I’m not going to say that I was the only one na ganoon sa buhay niya,” paliwanag pa ulit ni Rica.

Dalawampu't apat na taong gulang pa lamang noon si Rica nang magkaroon ng tsismis tungkol sa relasyon nito kay Piolo. Dagdag pagbabahagi naman ni Rica, sa kabila ng hindi nila pagkakatuluyan, malaki umano ang naitulong ni Piolo sa kanya at sa kanyang pananampalataya.

Sa katunayan, ito umano ang unang nag-aya sa kanya na magpunta sa simbahan. Kalaunan, dito na rin nakilala ni Rica ang kanyang napangasawa na si Pastor Joseph Bonifacio. Nagtagpo ang mga ito sa church ng Victory Christian Fellowship.


Sa ngayon, si Rica ay kasal na kay Joseph matapos ang pagiging magkarelasyon ng mga ito ng dalawang taon. Mayroon na rin silang dalawang anak. Anim na taon na ang kanilang panganay na si Philip habang dalawang taong gulang pa lamang ang kanilang bunso na si Manu.

Source: ABS CBN