Nito lamang Martes, ika-30 ng Mayo at ilang araw bago ang kanilang ikalawang buwan bilang magkarelasyon, masayang inanunsyo ng aktres na si Ellen Adarna ang engagement nito sa aktor na si Derek Ramsay. 

Sa isang Instagram post, isang simple ngunit makahulugang caption ang inihayag ni Ellen kasabay ng mga larawan ng nangyaring pagpo-propose sa kanya ni Derek. 

Sa naturang mga larawan, kita ang mga naging reaksyon ni Ellen, 32 taong gulang, sa ginawang surpresang proposal sa kanya ni Derek. Sa ilan sa mga larawang ito ay kita ang mangiyak-ngiyak na aktres habang nagpo-propose dito si Derek, 44 taong gulang.

Kita rin sa mga larawang ito na ibinahagi ni Ellen ang magandang singsing na rito ng kanya na ngayong fiance. Sa harap ng mga katagang ‘Will you marry me?’ na inihanda ng aktor, mayroon ding larawan ang dalawa na magkayakap sa isa’t-isa.


Samantala, hindi rin nawala sa mahalagang pangyayaring ito sa buhay ni Derek at Ellen ang kanilang mga anak. Sa isa din sa mga larawang ibinahagi ng aktres ay kasama nila ang kanyang anak na si Elias at ang anak din ni Derek na si Austin.

Si Elias ay anak ni Ellen sa dati nitong karelasyon na si John Lloyd Cruz habang si Austin naman ay anak ni Derek sa dati rin nitong karelasyon na si Mary Christine Jolly.

Agad naman na bumuhos ang mga pagbati para kina Ellen at Derek mula sa kanilang mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz. Dito, inihayag nila ang kanilang kasiyahan para sa bagong yugto na tatahakin ng dalawa sa kanilang relasyon. 


Ilan sa mga ito na agad nagpaabot ng kanilang pagbati ay sina Ruffa Gutierrez, Isabelle Daza, Heart Evangelista, KC Concepcion, Iza Calzado, Luis Manzano at fiance nito na si Jessy Mendiola, Rajo Laurel, Tim Yap, Sarah Lahbati, at iba pa.


Bago ang kanilang engagement, naging laman muna ng balita sina Derek at Ellen nitong nakaraang mga buwan dahil sa spekulasyon ng publiko sa kanilang relasyon. Noong una, iginiit ng mga ito ang kanilang pagkakaibigan hanggang sa tuluyan na nilang inamin na mayroon ngang namamagitan sa kanila.

Ani pa ng mga ito noong una, magkapitbahay lamang sila kaya napapadalas si Ellen sa bahay ng aktor. Gayunpaman, dahil nga sa kabi-kabilang tanong sa mga ito ng publiko ay inamin na rin ng mga ito nito lamang nakaraang buwan ang kanilang tunay na reaksyon.

Ayon sa mga ito, agad daw na nagkaintindihan ang dalawa dahil sa pagkakapareho ng kanilang mga personalidad. Bagama’t hindi umano normal ang nangyaring ligawan sa dalawa, mayroon umano silang naramdamang spark at masaya sila na magkasama.

“May spark talaga. Sobrang laking spark… We just really are enjoying each other’s company. Sobra… Like, walang dull moment,” pagbabahagi pa noon ni Derek.


Samantala, ayon naman kay Ellen, noong una umano ay mayroon din siyang impresyon na hindi maganda tungkol kay Derek ngunit, nang makilala niya ang aktor ay nakita niya ang maganda nitong katangian.


“I told him na I thought he was an as*hole before or m*nyak*s. But he’s very respectful and sweet,” ani pa nga ni Ellen tungkol dito.

Source: facebook