Matapos ang mahigit isang taon nang spekulasyon ng publiko tungkol sa relasyon nina Gerald Anderson at Julia Barretto, umamin na sa wakas ang aktor na ang 23 taong gulang na aktres ang nagpapasaya ngayon sa kanyang puso.

Sa isang eksklusibong panayam sa kanya ni Boy Abunda, tinapos na sa wakas ni Gerald ang tungkol ang mga spekulasyong ito sa kanila ni Julia at diretsahang inihayag na masaya ito ngayon sa aktres.

“Very happy, tito Boy. It’s a yes,” ang maikili at diretsahang sagot pa ni Gerald.

Samantala, aminado rin ang aktor sa pagiging kontrobersyal nito ngayon sa publiko. Gayunpaman, mas nakatuon umano ngayon si Gerald sa mga biyayang dumarating dito sa kabila ng lahat ng kanyang mga pinagdaraanan at mga ibinabato sa kanya.

Ang mahalaga umano rito ay mayroon itong trabaho at randam niya ang mga biyayang kanyang natatanggap. Ani pa nga ng aktor,

“At the end of the day, ako 'yung pinaka-controversial na tao sa Pilipinas ngayon but I'm so blessed with good health, 'yung pamilya, nakakakain kami araw-araw, may work ako. I can still provide for them.”


Sa panayam na ito sa kanya ni tito Boy, binigyang linaw din ni Gerald ang ilan sa mga bagay na pilit iniintriga sa kanya. Nangunguna na dito ang paratang ng panggo-ghosting umano nito sa dating karelasyon na si Bea Alonzo.

Dito, pinabulaanan ni Gerald na nang-ghost ito kay Bea dahil, taliwas sa pahayag ng aktres, ilang beses daw nilang napag-usapan ang kanilang hiwalayan.

“Wala po akong ginhost… too many conversations,” ang pagsisiwalat pa ni Gerald.

Naging malaman ang mga pahayag dito ng aktor tungkol sa hiwalayan nila dati ni Bea. Ayon kay Gerald, pinili nito na hindi magsalita dahil hindi siya ang klase ng tao na isinasapubliko ang mga bagay sa kanilang relasyon.

“I don't have the guts to put someone in a bad light because gusto ko linisin yung image ko o yung side ko. Ganito lang po 'yon. Ano po ba ang definition ng ghosting? 

“Kasi ang dating sa 'kin is parang nasa gitna kami ng dinner and then nag-decide ako na mag-walk out and 'di magpapakita kahit kailan. 'Yon ba ang definition, or is it walking away from a very unhealthy, toxic—not saying na siya yung toxic, ako yung toxic—but being together we were very toxic…

“and hindi nirerespeto yung explanation na binibigay mo, hindi tinatanggap after months and months and months and months and months of being on the rocks and medyo away? I'm just gonna leave it at that...If 'yon yung ghosting, I'm guilty of one of those two,” pagbabahagi pa rito ni Gerald.


Kung matatandaan, naging malaking kontrobersiya ang hiwalayan noon nina Gerald at Bea kung saan, si Julia ang itinuring na third party sa nangyari dahil sa mga larawan na kumalat noon kung saan magkasama ang dalawa. Gayunpaman, itinanggi noon ni Julia ang tungkol sa mga paratang na ito sa kanya ngunit, mula noon ay hindi na natigil pa ang pag-uugnay sa kanya ng mga tao kay Gerald.

Panoorin ang buong video dito!