Kamakailan lang ay napabalita at naging trending sa bansa ang tungkol sa pagbabalik telebisyon ng nag-iisang John Lloyd Cruz. Ito ay matapos ang halos limang taon na pamamahinga ng aktor sa showbiz simula noong 2017.

Maliban sa mga fans nito, isa sa mga pinaka natuwa sa pagbabalik showbiz ng aktor ay ang kanyang malapit na kaibigan na si Paolo Contis. Ayon kay Paolo, bagama’t nawalan umano sila ng komunikasyon ni John Lloyd noong pansamantalang namahinga sa industriya ang aktor, sa kasalukuyan ay muli na naman silang nakakapag-usap.

Plano na rin daw sana nilang magkitang muli ngunit, madalas daw ay hindi nagkakatugma ang kanilang mga oras. Madalas ay naka-selfquarantine si Paolo bago bumalik sa tapangi ng kanyang mga programa habang kaka-anunsyo lamang ng talent agency ni Maja Salvador na Crown Artist Management tungkol sa pagbabalik showbiz ni John Lloyd.

Maliban daw sa interes ni John Lloyd na bumalik sa pag-arte, isa raw sa mga napag-uusapan nila ng kaibigan ay ang pagdalaw sa beteranang aktres na si Caridad Sanchez. Malapit ang loob ng dalawa sa aktres na nakasama nila noon sa ABS-CBN youth-oriented drama na Tabing-Ilog.

Pagbabahagi pa ni Paolo, bago pa man umano magkaroon ulit ng lockdown o quarantine, napag-usapan na raw nila dati ni John Lloyd ang tungkol dito. Hindi lamang natuloy dahil nga sa muling pagpapatupad ng ECQ.


Ngunit, pagsisiguro ng aktor, dadalawin umano nila ni John Lloyd ang beteranang aktres sa darating na mga araw o linggo. Kwento pa nga ni Paolo tungkol dito,

“Baka next week, magkikita na kami… Sana matuloy na kami next week.”


Kung matatandaan, Oktubre ng nakaraang taon nang lumabas ang balita tungkol sa umano’y kondisyon ngayon ng aktres. Ayon sa anak nito, mayroon umanong dementia si Caridad na nadiagnose noong 2015.

Sa kabila ng pinagdaraanang sakit, ibinahagi noon ng anak nitong si Cathy Babao, isang grief counselor, na madalas ay nababanggit umani ng kanyang ina si John Lloyd. 

Hindi sekreto na malapit ang aktres kay John Lloyd na gumanap na lola ng aktor sa drama series na Tabing Ilog. Ang kanilang samahan ay hindi natapos dito dahil kahit hindi na magkatrabaho ang dalawa, patuloy pa rin ang pagsuporta at pagmamahal dito ni Caridad.

Minsan, nagbigay pa nga ng madamdaming sulat noon si Caridad para kay John Lloyd kung saan, inihayag nito kung gaano siya ka-proud sa aktor. Ani niya rito,

“Ang lagi kong naaalala sa’yo ay ang pagiging mabuting anak mo at mahusay na katrabaho. How I wish na kasama mo ako diyan, pero matanda na ang lola mo. Pero, gusto kong malaman mo na I keep on watching you until now. I’m so proud of you noon pa man…


“Thank you for the love and you have my respect. You will always be my John Lloyd, my Rovic. I love you.”

Kaya naman, umaasa ang marami na matuloy ang sinabi ni Paolo na plano nilang pagdalaw ni John Lloyd kay Caridad. Ani ng mga ito, siguradong ikatutuwa ng beterang aktres na muli silang makita lalo na’t napakalapit ng loob nito sa kanila.

Source: PEP