Di maikakaila na kilala sa Pilipinas ang Thai actor na si Mario Maurer. Maliban kasi sa hindi maitatangging kagwapuhan ni Mario at galing nito bilang isang artista, minsan na rin itong nagkaroon ng mga proyekto sa Pilipinas.

Sa katunayan, ilang beses na rin na nakapunta sa bansa ang aktor at nagkaroon na rin ito rito ng mga kaibigan. 

Maliban dito, mukhang mayroon pang isang dahilan kung bakit malapit ang puso ng Thai actor sa bansa. Ayon kasi sa mga ulat, karelasyon umano ngayon ni Mario ang isang aktres na mayroong dugong Pilipina. Ito ay ang half Thai at half Filipina actress na si Junji Junpitakchai.

Pitong taon na umano ang tagal ng relasyon ng dalawa na nagsimulang mag-date noong 2013. Sa loob ng naturang mga taon, napanitili nilang pribado ang kanilang relasyon habang patuloy ang pagsuporta sa bawat isa. 

Bagama’t hindi kailanman opisyal na inamin ng dalawa ang kanilang relasyon, ilang beses nang nakunan ng larawan ang mga ito na magkasama. Minsan, isang larawan ng dalawa na magkasama sa isang mall ang kumalat noon sa social media. Paliwanag noon ni Mario, nagiging “gentleman” lamang umano siya kay Junji at normal lamang ang kanilang paglabas paminsan-minsan.

Kamakailan nga lang din ay naging viral ulit si Mario at ang aktres matapos kumalat online ang ilang mga larawan ulit nilang dalawa na magkasama. Dahil dito kaya umugong ulit ang balita na matagal nang may relasyon ang dalawa.


Mas pinag-usapan pa ito nang maging ang ina ni Junji na si Editha Davantes ay minsan ding nagbahagi ng larawan kasama si Mario at mga anak nito. Ani ng mga netizens, mukhang simbolo umano ito na tanggap na ng Pinay na nanay ni Junji si Mario bilang boyfriend ng anak.

Samantala, bagama’t madalang na magbahagi ng larawan ang dalawa na magkasama, minsan ay nagagawa pa ring batiin ni Junji ang boyfriend sa tuwing kaarawan nito sa pamamagitan ng isang post. Sa katunayan, noong nakaraang ika-4 ng December kung kailan ipinagdiwang ni Mario ang kanyang ika-32 kaarawan ay nagpaabot dito ng pagbati si Junji.

Sa birthday message na ibinahagi ng part-Pinay actress, siya umano ay “delighted and very happy everyday with you.”

Si Junji ay bahagi noon ng girl-group na Gai-A na nadisband naman noong 2016. Ang nanay nito ay isang Pilipina habang Thai naman ang kanyang tatay. Minsan ay nagbabahagi si Junji ng ilang mga larawan nito kasama ang kanyang kamag-anak sa Pilipinas gaya ng kanyang lolo. 

Bagama’t pribado ang relasyon nina Mario at Junji, ayon sa ulat ay masaya umano ang mga ito sa takbo ngayon ng kanilang relasyon ngunit, hindi pa raw napag-uusapan ng dalawa ang lumagay sa tahimik.

Samantala, mayroon umanong pahayag si Junji tungkol sa relasyon nila ng aktor at sa balita na magkarelasyon sila ni Mario. Ani raw nito,


“My relationship with Mario Maurer is still the same. We have never posted a photo taken together on Instagram, that’s why the rumor comes out…


“We’re so busy at this time. We meet each other when we have free time. We don’t have a plan for travelling together. For a future plan, we have never thought about it yet.”