“Hanggang sa huli, ‘Tay, kami pa din iniisip mo.”

Ito ang madamdaming pahayag ng netizen na si Dy Dela Paz para sa kanyang pumanaw na tatay sa ibinahagi nitong Facebook post. Hanggang sa huling hininga kasi ng kanyang ama, ang kanilang kapakanan pa rin ang iniisip nito. 

Nalaman ito ni Dela Paz matapos matuklasan nila ang isang lumang bag ng kanyang tatay na may lamang pera na inilaan nito para sa kanyang pamilya. Ayon sa netizen, hindi daw nila inasahan ang natuklasang ipon ng kanilang ama para sa kanila at upang hindi na sila mamroblema pa sa libing nito matapos siyang pumanaw.

Hindi daw nila inasahan na ganun kalaki ang perang itinabi ng kanilang tatay para sa kanila. Umabot lang naman kasi sa Php205,000 ang naipong pera ng kaniyang namayapang ama. Pagbabahagi pa nga ni Dela Paz tungkol dito,

“‘Yung namomoblema kami saan kami kukuha ng pangpalibing sa  tatay ko. Blessing na nakita ng nanay ko ang bag na laging tinatago ng tatay ko.

“Grabe ang bigla namin pare-pareho nang nakita namin ang inipon mong pera ‘tay. Kaya pala lagi mo sinasabi kay nanay na huwag ng mag-withdraw sa banko dahil may pera kang tinatago. Sabi mo kay nanay hanapin mo ang wallet ko alam ko may tinago akong pera. Hindi namin alam na ganun kalaki ipon mo ‘tay.”


Ang naturang ipon ng kanilang tatay ay hindi nila inaasahang matatagpuan sa lumang bag na palagi umano nitong dala-dala noon. Madalas ay pinapaalalahanan pa umano nito noon ang kanyang nanay na huwag gagalawin o lalabhan ang natura nitong bag.

Iyon pala ay dahil dito inilagay ng kanyang huwarang ama ang inihandang pera para hindi na mamroblema ang kanyang pamilya sakaling kunin na ito sa mundo.


Kaya naman, nangungulila at masakit man sa kanila ang pagkawala ng kanyang ama, malaki ang pasasalamat ni Dela Paz sa kanyang tatay na hindi sila pinabayaan kailanman, kahit pa sa pagpanaw nito.

“Maraming salamat po, ‘tay. Hangang sa huli, hindi n’yo po kami pina-problema. Nakakalungkot lang, ‘tay. Sana dalawin mo kami para mabawasan ang sakit, ‘tay. Mahal na mahal ka namin, ‘tay. Napaka-bait mo sa lahat, ‘tay,” ang mensahe pa nga ni Dela Paz sa kanyang ama.

Agad naman na naging viral ang Facebook post na ito ni Dela Paz at umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizen. Marami sa mga ito ang naantig sa pagmamahal ng tatay ni Dela Paz sa kanila. Ikinamangha ng mga ito ang pagiging uliran at responsable umano ng namayapang ama ni Dela Paz.

Heto nga ang ilan pa sa mga komentong iniwan ng mga netizen sa viral post na ito:



“Inipon niya siguro ‘yan para sa ganyang sitwasyon para di na kayo mag-iisip kung paano siya maililibing ng maayos. Mahal kayo ng tatay niyo kasi hangang sa huli, pinatunayan niya ‘yan. Condolence po. Napakahirap mawalan ng ama.”

“Ulirang ama. Mapapa-sana all ka na lang. Condolence sa family.”

“Tunay na magulang. Kapakanan ng pamilya ang laging nasa isip. Ang aming pakikiramay. God bless po.”

“Wagas na pagmamahal sa kanyang mga anak. Hanggang sa huli, hindi pinahirapan ang mga anak.”

Source: facebook