Hindi pa rin talaga tinatantanan ng mga tsismis at intriga ang relasyon nina Gerald Anderson at Julia Barretto sa kabila ng pag-amin sa wakas ng mga ito na sila na nga. 

Hindi man aminin ng ilan, patuloy na binabantayan ng marami ang relasyon ng dalawa kaya madaling napansin ng mga ito ang tila pagkawala na umano ngayon ng gana ni Gerald sa kanyang nobya. 

Ito umano ang napansin ng mga netizen sa isang TikTok video na ibinahagi ni Julia kung saan, makikitang parang hindi na raw ganoon kaganado ang pakikitungo ni Gerald kay Julia. Masyadong kaswal na lamang umano ito sa nobya at animo’y wala pa sa mood.

Kaya naman, dahil nga tumpulan ang mga ito ng intiga ay agad na naglabas ng kanilang saloobin ang mga netizen. Hindi kaila sa marami na bago pa man umamin ang mga ito sa kanilang relasyon ay ilang batikos na ang kanilang natanggap.

Dahil din dito kaya hindi nakapagtataka na sinakyan din agad ng marami ang naturang TikTok video na maaaring pruweba umano na nagkakasawaan na ang dalawa. Kita umano ito sa kilos ng aktor na animo’y parang wala lamang umano o hindi ito gaanong masaya doon sa naturang video.

Gayunpaman, mayroon pa rin namang mga tunay na sumusuporta kina Julia at patuloy silang ipinagtatanggol. Ani ng ilan sa mga ito, marahil ay dahil lamang umano sa malaking agwat ng kanilang edad kaya minsan ay hindi nagkakapareho ang kanilang hilig at mood.


Pwede rin naman umano na baka pagod lamang din talaga ng mga panahong iyon si Gerald at totoong wala ito sa mood. Hindi naman umano sa lahat ng oras ay kayang pantayan ni Gerald ang pagiging masyadong masayahin ni Julia.

Ngunit, hindi umano ibig sabihin nito ay nagkakalabuan o nagkakasawaan na sina Gerald. Sa katunayan, kamakailan lang ay isang masayang vlog nga ang ibinahagi ni Julia kung saan, ginawa nito ang ‘Who Knows Me Better’ challenge kasama ang boyfriend niyang si Gerald at mommy ni Julia na si Marjorie Barretto.

Dito, kitang kilalang kilala na nina Gerald at Julia ang isa’t-isa dahil halos higitan pa ng aktor ang score ng ina ni Julia sa laro. Maliban naman sa masayang laro ng tatlo ay makikita rin ang magandang relasyon ni Gerald sa nanay ni Julia na ikinatuwa naman ng marami. Ito umano ang nagpapatunay na matibay ang relasyon ng dalawa dahil kasundo nito ang kanilang mga pamilya.

Samantala, ang tungkol dito ang isa rin sa mga tinalakay ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz sa pinakabago nitong vlog. Opinyon naman nito, maaaring ganun lamang umano talaga ang ugali ni Gerald na seryosong tao habang si Julia naman ay masyadong aktibo o masayahin.


Dahil magkarelasyon nga ang dalawa at masyado na ring kilala ang isa’t-isa kaya marahil ay ganoon na kakomportable ang mga ito kaya tanggap nila ang kanilang mga ugali. 

Kung matatandaan, nitong mga nakaraang araw at linggo ay madalas kasama ni Julia ang nobyo kasama rin ang kanyang pamilya. Base sa mga larawang ibinahagi ng aktres, magkasama ang mga ito na masayang nagbakasyon kamakailan lang.

Source: bandera