Isang nakakalungkot na balita ang lumabas ngayon lamang, ika-31 ng Agosto. Pumanaw na ang komedyanteng si Mahal, o Noeme Tesorero sa totoong buhay kaninang hapon lamang.

Kinumpirma mismo ito ng kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero base na rin sa Facebook post ni Tintin Bueno kung saan, inihayag din nito na gastro at COVID-19 umano ang dahilan ng pagpanaw ng komedyante.

Ani nito sa kanyang Facebook post,

“Rest in Peace Mahal, o Noeme Tesorero sa tunay na buhay. Nakaka-sad…

“Nagconfirm na ang kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero. Wala na si "Mahal" o Noeme Tesorero sa tunay na buhay. Gastro and covid ang kinamatay daw kaninang hapon lang.

“Paalam Mahal. Di ka namin malilimutan esp. ang mga tawa mong pamatay dahil sobrang naaliw kami sayo. Rest in Peace!”

Ayon kay Irene, wala pa umanong nakaplanong schedule para sa burol ng komedyante dahil sa pandemya at COVID restrictions. Nakakalungkot na saad pa nga nito tungkol sa pagpanaw ng kapatid,

“Ang among kapatid na si Mahal ay pumanaw na. Wala pa schedule sa kanyang burol due to COVID restriction.”

Ikinagulat naman at hindi inasahan ng marami ang biglaang pagpanaw ni Mahal na minahal ng lahat mula pa man noon. Ikinalungkot lalo na ng mga malapit na kaibigan at katrabaho ni Mahal ang biglaan niyang pagkawala.

Sa isang Facebook post nga, agad na nagpaabot ng pakikiramay ang kapwa nito komedyante at malapit na kabigang si Brenda Mage. Dito ay inalala niya rin ang mga pinagsamahan nila ni Mahal na aniya ay nakasama niya ng dalawang taon.


Bago pumanaw, napanood pang muli ng publiko si Mahal nang personal nitong puntahan ang kanyang kapartner sa komedya na si Mura. Dito ay nagbahagi pa si Mahal ng tulong para kay Mura na ilang taon na ring hindi napapanood sa telebisyon.

Kaya naman, humahanga umano si Brenda sa katapangan na mayroon si Mahal at sa paggawa umano nito ng mabuti. Saad pa nito para sa namayapang kaibigan,

“2 years din kita nakasama sa bahay at naging alalay mo sa mga out of town shows mo. Araw-araw, gabi gabi magkakasama… 

“Ang tapang mo para umabot ng ganyang Edad sa kalagayan mo. Bago ka nawala, nakagawa ka pa ng napakabuting gawain sa partner mong si Mura. Mahal ka ng lahat… Mahal ka namin MAHAL…

“Pahinga na aming Munting MAHAL… NOEMI TESORERO MAY YOU REST IN PEACE.” 

Maliban kay Brenda ay ilan pang mga kaibigan ni Mahal ang naghayag din ng kanilang lungkot at pakikiramay para sa pagkawala ng komedyante. Maging ang mga netizen at mga tagasuporta ni Mahal ay nagbahagi rin ng kanilang pakikiramay para sa mga naiwan nitong mahal sa buhay.


Hindi halos makapaniwala ang mga ito sa balita lalo na’t kamakailan nga lang ay napanood pa nila ang komedyante na masaya at puno ng sigla. Kakabahagi pa lamang din umano nito ng bagong vlog kaya ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat sa nangyari.

Gayunpaman, hinding-hindi umano makakalimutan ng mga ito ang saya na inihatid sa kanila ni Mahal mula pa man noon. Maliit man ito ngunit, hindi matutumbasan ng anuman ang laki ng saya at tawa na naibahagi nito sa kanila.

Source: facebook