Hindi inasahan ng netizen na si Aldi ang matutuklasan nito isang gabi nang minsang sinundan nito ang kanyang tatay. Hindi nito mapigilang mapaluha dahil dito niya natuklasan kung bakit hindi umano sumasabay sa kanila tuwing hapunan ang kanyang ama.

Tuwing hatinggabi ay bumabangon pala umano ang kanyang tatay upang palihim na kumain. Ulam lamang daw nito ay bagoong at sibuyas. Kaya raw pala hindi ito sumasabay sa kanila dahil isinasakripisyo nito ang pagkain ng maayos sa umaga para sa kanilang magkakapatid.

“Ganito pala ginagawa ni papa ‘pag tulog na kami. Kumakain siya ng hating gabi. Tuwing hapunan, hindi siya sumasabay sa amin. Laging tapos na o busog pa daw… ‘Yun pala, sa gabi siya kumakain dahil pinapaubaya nalang [niya] sa amin ang ulam. 

“Lagi syang bumabangon tuwing ganitong oras. Hinahayaan ko pero noong nakaraang gabi, sinundan ko siya na hindi niya alam. Tumulo luha ko ‘nung nakita ko siya na kumakain na ang ulam ay BAGOONG AT SIBUYAS,” pagbabahagi pa ni Aldi.

Nakunan pa ni Aldi ng video ang ginagawang sakripisyo na ito ng kanyang ama. Kaya naman, hindi nito napigilan na maging emosyonal at mapaiyak para sa ama na inuuna palagi silang pamilya nito kaysa sa kanyang sarili.

Ayon kay Aldi, maayos naman umano ang kanilang buhay. Dating OFW ng sampung taon ang kanyang tatay ngunit, nagbago ang lahat sa kanila nang masagasaan ito ng truck noong ika-18 ng Marso, 2021.


Dahil sa insidente kaya nabali ang kanang kamay ng ama at hindi na ito nakabalik pa sa trabaho. Dahil rin dito kaya hindi na nakapag-enroll pa sa kolehiyo si Aldi. Anim na buwan na umano ang nakakaraan ngunit wala pa ring pag-usad sa kaso ng ama at sa nakasagasa rito.

“Halata ko kay papa na hirap siyang kumilos dahil sa kanyang pilay na hindi pinapahalata sa aming magkakapatid. Sana po tulungan niyo ako… Sobrang naaawa na po ako sa tatay ko,” saad pa ni Aldi tungkol sa ama.

Hangad ngayon ni Aldi na maipaabot sa mga bukas tumulong ang sitwasyon ng kanyang ama at ang tungkol sa kaso ng pagkabangga rito. Hangad umano nito na mabigyang hustisya ang nangyari sa kanyang tatay na kahit sa kabila ng nangyari rito ay mas inuuna pa rin ang kanilang kapakanan.

May pagdidiin ding panawagan ni Aldi na sana ay makarating umano sa programa ni Raffy Tulfo ang nangyari sa kanyang tatay upang mabigyan agad sila ng tulong na mapanagot ang may kasalanan sa nangyari rito. Muling pagbabahagi pa nga ni Aldi tungkol dito,

“Maganda naman po ang buhay namin. Hindi po kami mayaman, hindi rin po kami mahirap. Tama lang po. 10 TAON sa ABROAD ang tatay. Mekaniko. Lahat ng gusto naming kainin ay naibibigay niya sa amin. Pero ‘nung nabangga siya, parang nag laho lahat. 

“Hangad lang ng tatay ko ay hustisya para managot ang gumawa sa kanya na dulot ng paghihirap namin ngayon. Patulong nalang po na makarating Kay sir RAFFY TULFO.”


Sa ngayon, umani na ng mahigit sa 70,000 reaksyon lang naman ang Facebook post na ito ni Aldi. Dito ay katuwang ni Aldi ang maraming mga netizen sa patuloy na paghingi ng tulong para sa sitwasyon ng kanyang ama.

Source: KAMI