Kung matatandaan, noong huling Linggo ng Agosto ay tinamaan ng COVID-19 ang Kapuso aktres na si Kim Domingo. Ito ay sa kabila ng pagiging bakunado o fully vaccinated ni Kim laban sa COVID-19.

Maliban pa rito ay matindi rin ang ginawang pag-iingat ng aktres gaya na lamang ng hindi paglabas at madalas na pagdi-disinfect. Kaya naman, hindi niya raw alam kung paano at saan niya nakuha ang virus.

Aminado ang aktres na nagkaroon ito ng anxiety nang magkaroon ng COVID. Labis umano itong nag-alala na baka lumala ang epekto ng virus sa kanya. Kwento pa nga nito,

“Totoo nga 'yung sinasabi nung iba na nagka-COVID na marami kang maiisip. Ako, iniisip ko nung time na 'yun, baka lumala… 'Yung alam mo 'yung okey ako tapos biglang baka siya lumala nang lumala.”

Mabuti na lamang, hindi umano malala ang pinagdaanan o mga naramdamang sintomas ni Kim nang magpostibo sa virus. Ayon dito, ito ay dahil umano sa kanyang pagpapabakuna. Sa isang panayam dito kamakailan lang, isinaad ni Kim ang naging epekto rito ng COVID-19 vaccine.

“Feeling ko kung wala akong bakuna, baka naging severe,” ani pa ng aktres.

Patunay ito ng pagiging epektibo ng bakuna at kung paano ito nakakatulong bilang dagdag proteksyon laban sa COVID-19. Kaya naman, dito ay hinimok ni Kim ang publiko na magpabakuna na.

“Kung meron kayong pagkakataon na magpabakuna, magpabakuna na kayo,” saad pa nga nito.

Di gaya ng ibang nagpositibo sa COVID19, mild symptoms lamang ang naramdaman ng aktres. Ani pa nga nito, bagama’t nawalan ng pang-amoy at panglasa ay malakas pa rin naman umano ito at agad nawalan ng lagnat. 


Dagdag pa ni Kim, isa rin naman daw ito sa mga takot na magpakuna dati. Buong buo umano ang desisyon nito noon na hindi magpakuna. Ngunit, dahil na rin sa mga taong maayos na nagpaliwanag at nagpaintindi sa kanya tungkol sa bakuna, nabago ang pananaw ni Kim at nagdesisyong agad magpabakuna.

Kaya nang magkaroon ito ng COVID19 nang hindi inaasahan, ipinagpapasalamat daw ni Kim na fully vaccinated na rin pati ang kanyang pamilya.

“Isang araw narealize ko na gusto ko na magpabakuna, then kami ng family ko nagpabakuna na. Inisip ko, kesa naman ako ang mahirapan, pati mga mahal ko sa buhay pag tinamaan kami ng COVID. 

“Makakatulong ang bakuna para mabawasan ang severity ng covid. Buti nalang at fully vaccinated na ako at ang pamilya ko,” ani pa ulit nito.

Isa lamang si Kim Domingo sa mga celebrity na tinamaan ng COVID-19 at COVID-19 survivor na rin. Bukod sa kanya, ilan sa mga  tinamaan din ng virus ay sina Iza Calzado, Christopher de Leon, Michael V, Lovely Abella, Baninay, Enzo Pineda, Donita Nose, Alex Gonzaga, Wally Bayola, Allan K, Rhian Ramos, Glaiza de Castro, at Miguel Tanfelix.


Maging ang ilang mga politiko ay hindi rin nakaligtas sa virus kagaya nina Senator Sonny Angara, Senator Miguel Zubiri,  at pati na rin ang mamamahayag na si Howie Severino. 

Kagaya ni Kim, fully vaccinated na rin nang magpositibo sa virus ang dating Miss Universe Philippines na si Shamcey Supsup - Lee kung saan, tuluyan itong naka-recover nito lamang ika-11 ng Setyembre.

Source: gmanetwork