Malupit na kulitan na naman ang naging ganap nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino sa nagdaang virtual media conference para sa season 2 ng kanilang teleseryeng “Marry Me, Marry You”.

Umpisa pa lang ng mediacon ay agad nang bumanat si Paulo kay Janine nang mabanggit ang naging palitan nila ng tweets kamakailan.

“Pinagising ko nga kaya hindi siya late ngayon, e.” bungad ni Paulo kay Janine.

Hindi na lang umimik si Janine at napailing na lang siya sa joke ni Paulo sa kanya.

May nagtanong din kung umabot na ba sa punto na kung saan nagkapikunan na ang dalawa lalong lalo na't matindi ang kanilang asaran online. 

“Wala. Gusto ko nga sanang mapikon siya pero hindi ko po ma-achieve,” pabirong reklamo ni Janine.

“Hindi po ako napipikon. Lalo na kung ganyan kaganda yung mamimikon sa iyo, hindi ka talaga mapipikon. Mas matutuwa ka pa nga, e.” bola naman ni Paulo.

Dahil nga sa nabanggit din ang kanilang batuhan ng tweets, tinanong din si Paolo kung may extra effort bang ibinigay si Paolo sa kanyang mga linyahan sa social media.

“As long as it feels natural, parang… Ok rin naman. Pero siyempre, may konting effort pagdating kay Janine. Kasi kailangan kong pag-isipan yung mga ibinabalik niyang sagot, e. So, kailangang ma-level up,” sagot ni Paulo.


Nabanggit rin ng dalawa na hindi ito ang unang beses nila na maging magkatrabaho dahil nakapag-shoot na sila noon para sa pelikulang “Ngayon Kaya” ngunit dahil nga sa pandemya ay naudlot ang pagpapalabas nito.

Paglalahad ni Janine, noong ginagawa pa raw nila ni Paulo ang pelikula ay hindi pa masyadong “bully” ang aktor sa kanya.

“Noong ginawa namin yung pelikula, hindi pa masyadong bully si Paulo. Pero dito sa show, talagang lumabas yung tunay niyang pagkatao. Charot!” natatawang saad ni Janine.

Depensa naman ni Paulo, “Hindi pambu-bully yun. Pagpapa-cute yun. Na tine-take lang niya in another way. (natawa) Joke!”

Pero may point kaya na kinilig o kinikilig si Janine sa mga hirit or scenes nila ni Paulo? “Parang may galit na. Charot. I was just kidding,” sabi ni Janine.

Aniya super happy raw siya dahil noon raw ay hiniling niya na sana ay magkaroon sila ni Paulo ng teleserye.

“Ahhm, I am super-happy talaga na… sinabi ko kay Paulo na nagpapasalamat ako na he did this show with me. Kasi, talagang winish ko ito before pa noong ginawa namin yung pelikula.

“Na niloloko ko siya na sana, makapagteleserye kami eventually and I’m so happy it happened. So… thank you to Pau. I’m just really grateful that we were able to do this together,” pagpapatuloy ni Janine.

Dagdag pa ni Janine, natsa-challenge rin siya na ibigay ang kanyang best sa pakikipag-trabaho kay Paulo.


“Bata pa lang ako, pinapanood ko na si Pau. So, siyempre there’s this pressure na kailangang masabayan mo siya.”

Paglilinaw ni Paulo, “Hindi! Kasi, sinabi ko, nag-date kami ni Janine dati, tapos sabi niya, ‘Hindi ah! Nag-hang out lang tayo!’ So, parang nasaktan ako. Parang hang-out lang pala yung dalawang beses tayong lumabas?!”

Depensa naman ng aktres na si Paulo ang unang nagsabi na hang-out lang daw sila noon. Itinanggi naman ng aktor na hindi niya sinabi iyon. 

“Uy! Never kong sasabihin yun! Siyempre, proud naman ako sa ‘yo kahit papa’no,” saad ni Paulo.

Source: bandera