Isa na marahil sa mga higit na nakakapanlumong balita ang pagkakaroon ng kanser ng isang tao, lalo pa kung ito ay isang sakit na pinagdaraanan ng iyo mismong kamag-anak o kakilala. Ang pagkakaroon ng sakit na ito ay tiyak namang nakakalungkot at nakakadurog ng puso.
Marami man ang pinanghihinaan ng loob, sa mga panahon ng kahinaan tayo lubhang pinagtitibay ng Diyos. Sa kabila ng pagkakaroon ng sakit na ito, naroroon pa rin ang pananalig sa Panginoon na anumang pagsubok sa buhay ay hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, bagkus dapat ay manatili tayong tapat sa ating pananampalataya sa kanya.
Isang netizen ang sumasalamin sa katibayan ng loob at pagiging positibo sa buhay sa kabila ng kanyang pinagdaraanang sakit. Si Rosette Ella Mortel, 17 taong gulang, ay kasalukuyang nilalabanan ang sakit na kanser. Sa kabila ng kanyang iniindang sakit, pinipili pa rin ni Ella na maging masayahin. Ang ganitong disposisyon niya ang siyang pumukaw ng atensyon at nagsilbing inspirasyon sa maraming mga netizens na sumusubaybay sa kanya.
Ayon sa pagsusuri, Si Ella ay mayroong acute lymphocytic leukemia and rheumatic heart disease.
Ibinahagi ni Ella sa kaniyang Twitter account ang ilan sa kaniyang mga larawan at ayon sa caption nito,
“cancer ka lang may self-confidence ako (ble)”.
Naging viral rin sa iba’t-ibang social media platforms ang kaniyang Twitter post na binigyan namang ng sari-saring reaksyon at nagpapakita ng lubos na pagmamahal at suporta para kay Ella. Naglahad rin ng pagkamangha ang ilang mga netizens dahil sa kabila raw ng kanyang malubhang karamdaman at pagkawala ng kaniyang buhok, nananatili pa rin ang ganda ni Ella.
Ayon pa sa komento ng isang netizen na mayroong username na Lowis,
“Hi sobrang ganda mo, lalo na habang lumalaban ka. MY PRAYERS TONIGHT INCLUDES YOU. WIN THE FIGHT, STAY STRONG AND PRAY. :))).”
Bilang pagsuporta kay Ella sa kanyang pinagdaraanan, ibinahagi naman ng isa pang Twitter user na may username na BeautyGeek by Jaklyn, ang larawan ni Ella. Tila nagpapahiwatig din ito na siya rin ay dumaraan sa ganoong sitwasyon.
Saad nito sa kaniyang post, “Yes! Cancer lang yan! Maganda pa rin tayo.”
Sa isang banda, tumulong naman para sa pagpapagamot kay Ella ang isa pang Twitter user na si Kenneth Punzalan. Nagpost siya ng financial aid sa pamamagitan ng gogetfunding.com. Sa isang linggo ay apat na beses dapat sumailalim ang dalaga sa kaniyang chemotheraphy.
Ayon kay Punzalan, “They do not have enough resources as their parents already passed away and their allowances are not enough to support the medication.”
(Wala silang sapat na pinagkukunan dahil ang kanilang mga magulang ay pumanaw na at ang kanilang allowance ay hindi sapat para suportahan ang kanyang pagpapagamot.)
Dagdag pa nito, ang pera na maiaabot nila, kahit magkano man raw, ay tiyak na malaki na ang maitutulong nito para sa pagpapagamot ni Ella.
Abot-langit naman ang pasasalamat ni Mortel sa lahat ng pumupuri at tumutulong sa kanya. Ayon pa dito, "Hindi ko na kayo ma replyan lahat ang dami nyo hehe pero thank you po ng madami opo laban lang hehe iloveyouuuuuuuuuuuu all."
Tunay nga na larawan ng katatagan at pananalig Si Ella, na sa kabila ng malungkot na pangyayaring ito sa kanyang buhay, ay pinipili paring maging positibo, masaya at mapagpasalamat.
Source: EllangMortel