Umani ng mahigit 800,000 views ang isang video ngayon sa YouTube na ipinost ng vlogger na si Jose Hallorina noong November 27, na may pamagat na Lola ng Sikat na Youtuber Namamalimos.

Sa videong ito ay makakita ang unang pagtatagpo ni Jose at ng isang ginang na naka-wheelchair. Nakita raw nilang itinutulak ng tatay ang wheelchair ni Nanay sa gilid ng kalsada habang sila ay namamalimos. Iniisa-isa raw nila ang mga bahay at tindahan at nanghihingi ng tulong.

Nung una ay inakala ni Jose na sila ay mag-asawa, ngunit nang lapitan na nila ang mga ito upang malaman ang kanilang kwento, napag-alaman nila na ang dalawang matatanda pala ay hindi mag-asawa o magkamag-anak. Ang lalakeng pinagkamalang asawa ng babaeng nasa wheelchair ay isa lamang palang good samaritan na nagmagandang loob na tulungan ang nakakaawang ginang.


Bago ang panayam ni Jose sa matandang babae ay nanawagan ito na sana raw ay mapanood ang video na ito ng apo ni Nanay na isang sikat na YouTuber.

Ayon kay Jose ay kanina pa raw nila napansin ang dalawang matatanda. Tinanong niya sa lalake kung ano nga ba ang nangyari kay nanay dahil baka may maitulong raw sila sa inaakalang mag-asawa.

Pagkatapos nilang lumipat sa mas ligtas na lugar, ipinagpatuloy ni Jose ang kanyang pagtatanong at ipinaliwanag niya na sila nga ay mga vloggers sa YouTube. Habang tinatanong ni Jose si Tatay ay bigla namang nagsabi si Nanay na siya na lamang daw ang interviewhin dahil si Tatay ay isang good samaritan lamang na tumutulong sa kanya.

Labis naman itong ikinagulat ni Jose dahil hindi niya inakala na may ganoon kabuting tao. Ayon pa sa kanya, kinilabutan raw siya sa kanyang nalaman at nilinaw niya na ang dalawa ay hindi magkaano-ano at nagpaumanhin siya sa kanyang maling akala.

Nagpatuloy na nga si Jose sa pagtatanong at napag-alaman niyang si Nanay ay mayroong cerebral palsy at dahil dito ay hindi rin siya nakakalakad simula pa raw noong siya ay ipinanganak.

Ayon pa kay Nanay, napag-alaman rin daw niya na siya ay may diabetes kaya napansin naman ni Jose ang pangingitim ng mga paa ni Nanay.


Noong 2011 ay namatay naman daw ang asawa ni Nanay kaya wala na raw umanong sumusuporta pa sa kanya. Naiiyak na sinabi ni Nanay na wala raw din siyang maasahan sa kanyang mga kamag-anak. Ayon pa dito, meron naman daw siyang isang anak na lalake na nasa mga 40 taong gulang na, ngunit ito ay walang regular na trabaho. Mayroon na rin daw itong sariling pamilya kaso naging broken family raw ang mga ito kaya ang kanyang anak ay abala rin sa pag-aasikaso sa mga anak niya.

Si Nanay ay kasalukuyang naninirahan nang mag-isa sa bangketa. Nag-alala pa siya dahil baka raw makita o mabasa ng kanyang mga kamag-anak ang naturang video at magalit ang mga ito sa kanya. Wala naman raw siyang natatanggap na allowance galing sa mga ito.

Nang tanungin siya ni Jose kung sino ang magagalit ay sinagot naman ni Nanay na ang kanya raw mga kapatid ang magagalit, at siya raw ay ikinakahiya ng mga ito. Lubha raw siyang nahihiya sa kanyang ginagawang panlilimos ngunit wala naman raw siyang ibang magawa at mapagkukunan.

Ayon pa kay Nanay nagalit raw ang isa niyang kapatid nang minsan ay matulungan siya ng isang channel at mapanood nila ito. Ang ibinigay raw na tulong noon ay hindi naman raw puhunan, pero binigyan siya ng isang sidecar at isang ordinaryong wheelchair. Ayon sa kanya wala na rin daw ang sidecar dahil matagal na itong nakatambak dahil nahihirapan siya sa bigat ng wheelchair at sidecar.

Nakatira lang daw siya sa bangketa at nang tanungin siya kung papaano kung umuulan, sinabi nitong mayroon naman daw siyang kuliglig na nabili niya matagal na at yun daw ang kanyang ginawang bahay. Ayon pa kay nanay, matagal na raw siyang nagwi-wish na sana ay may makasalubong siyang tutulong sa kanya.

Hiniling naman ni Nanay na sana ay magkaroon umano siya ng kahit konting puhunan at kahit isang maliit lang na bahay na kanyang matutuluyan. Kailangan rin ni Nanay ng pera para sa kanyang mga gamot para sa sakit na diabetes gaya ng insulin. Kaya kahit nahihiya raw itong mamalimos sa kalye ay ginagawa niya raw ito dahil wala siyang ibang mapagpipilian.

Ayon kay Nanay, sa kanyang panlilimos daw ay marami siyang naririnig sa kalye na pang-iinsulto dahil hindi raw lahat ng tao ay marunong umunawa. Napaiyak na nga si Jose sa mga ikinuwento ng matanda at sabi niya rito ay ngayon ay hindi mga pang-iinsulto ang maririnig niya kundi pagmamahal.


Sinamahan ng vlogger na si Jose si Nanay na umuwi sa kanila upang makita niya mismo ang kalagayan nito. Umuulan man ay pinuntahan nila ang lugar kung saan nakatira si Nanay. Ngunit ang kanilang inabutan ay isa lamang kuliglig na may napakaliit na espasyo na kasya lamang ang kaniyang wheelchair.

Sa tulong ng matandang lalaki ay ipinakita nila kung paano natutulog si Nanay doon sa kuliglig. Sa liit ng espasyo ay hindi sila nakakahiga ng maayos doon. Si Tatay naman ay doon lang din natutulog sa tabi ni Nanay.

Upang makahiga, nilalagyan lamang ni Tatay ng kahoy ang may likuran ng wheelchair ni Nanay na magsisilbi nitong patungan upang siya ay makahiga, dahil kung hindi raw ito makahiga ay mamamaga raw ang paa ni Nanay. Sumasandal lang si Nanay doon sa kahoy na nilagyan lang ng maliit na unan, nang sa gayun ay kahit papano ay siya ay makahiga. Labis naman na naawa si Jose sa sitwasyon ni Nanay at sinabi nitong kailangan na talaga ni Nanay na magkaroon ng maayos na tirahan.

Sa huli ay pinasalamatan ni Jose si Tatay sa kanyang kabutihan at busilak na puso. Nanawagan rin siya na sana ay mapanood raw ito ng apo ni Nanay na isang sikat na YouTuber at ng kanilang mga kamag-anak, at hiniling rin ni Jose na sana ay matulungan ito.

Watch full here: