Sa eskwelahan, kalimitang ginagamit ng mga estudyante ang notebook o kuwaderno sa pagkokopya ng mga aralin. Maituturing man na tayo ay nasa modernong panahon na ngayon at karamihan sa mga millennials ay gumagamit na ng mga laptops o kumukuha nalang ng larawan ng mga notes mula sa blackboard, maituturing na mahalaga parin ang bawat pahina ng isang notebook sa pagkopya ng mga aralin sa paaralan.
Kamakailan lamang ay naging viral ang larawan ng isang batang lalaki na estudyante ng eskwelahang Lianga National Comprehensive High School sa kanyang pagiging masinop at malikhain sa paggamit ng dahon ng saging sa pagkuha ng notes.
Ibinagi ni Arcilyn Azarcon na isang guro sa naturang eskwelahan ang kuhang larawan na kanyang inupload sa social media. Umani ito ng libo-libong shares at reactions at lahat ay napahanga sa ginawang ito ng batang estudyante.
Nang mapansin ito ng guro sinabi niya sa bata, "Hala bakit ano, banana leaf ang sinusulatan mo and then when I look out may banana na nakaputol doon and then sabi ko pinutol mo ba yung dalawang banana?” “Hindi po ma'am kumuha lang ako ng dahon doon," sagot naman daw nito.
Nakakatuwa man ang balitang ito, nakakapanlumo naman ang realidad na ginagawa ito ng bata dahil sa sobrang kahirapan. Ang kanyang ina na si Enriqueta ay wala umanong trabaho samantalang ang ama naman nito ay nagtatrabaho bilang isang road maintenance worker sa Department of Public Works and Highways, at kumikita lamang ng P4,000 kada buwan, na sadyang kulang raw sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa kagustuhan ng batang si Monter na matupad ang kanyang pangarap na maging isang sundalo balang araw, ayaw raw niyang huminto sa pag-aaral maging salat man sila sa buhay.
Sa nangyaring pagva-viral ng post na ibinahagi ng kanyang guro, marami na raw ang nagpahayag ng suporta at nagpaabot ng mensahe kay Azarcon upang magbigay tulong sa batang. Hindi raw inasahan ni Azarcon na maging viral ang kanyang post patungkol sa ginawang pagsusulat sa dahon ng saging ng kanyang estudyante.
Labis-labis ang pasasalamat ng buong pamilya Monter sa guro na naging instrumento upang sila ay matulungan sa kanilang sitwasyon.
Source: tvpatrol