Nanawagan si Ben Tulfo sa kanyang programang Aksyon Ora Mismo na baka may makakapagbigay-alam ukol sa kinaroroonan ng nawawalang lalaki. Ayon sa report, ito raw ay kinuha ng isang puting van.

Ayon kay Tulfo, taliwas sa ibang mga urban legends ay hindi umano sabi-sabi lang ang nangyaring ito dahil nakunan pa umano ito ng video.

Noong ika-13 ng Nobyembre ay huling nakita umano ang asawa ni Rochelle Mendoza na isang tricycle driver habang ito ay namamasada. Kinilala ang biktimang si Nino Mendoza. Base sa kuha ng CCTV footage sa lugar na pinangyarihan, makikitang may tatlong sasakyan na lumapit kay Nino at bigla itong kinuha. Ang kanyang traysikel naman ay minaneho ng isa sa mga dumukot dito.


Ipinakita naman ang aktwal na kuha ng CCTV at doon nga ay kitang-kita ang mga pangyayari sa ginawang pagdukot kay Nino.

Ayon sa asawa nito, ang kaibigan daw ng biktima ay pinatay umano noong ika-30 ng Setyembre. Tinanong naman ni Tulfo ang mga nagsumbong kung ano kaya ang kinasangkutan ng biktima kung bakit siya ay ipinadukot. Hindi umano ito basta-basta dudukutin nang walang dahilan at nanahimik lang naman daw ito.

Dagdag pa nga ni Tulfo, ang hinahanap daw nila ay kung ano ang motibo sa pagdukot. Hindi umano malaman ng asawa kung ano talaga ang dahilan dahil wala naman daw itong nakaalitan o atraso. Nagreport na umano sila sa mga pulisya ngunit hindi pa rin daw nila nakikita si Nino hanggang ngayon kaya naisipan na nilang humingi ng tulong at dumulog sa programa ni Ben Tulfo.



Kita sa CCTV kung paano ginitnaan ang biktima ng dalawang sasakyan na isang puting van at isang kotse at pagkatapos ay may dumating pang isang Starex. Matapos dukutin at isakay si Nino sa naturang van ay tinangay at minaneho naman ng isa sa mga suspek ang mismong traysikel ng biktima.

Ayon pa kay Tulfo, iba raw ito sa mga kwentong kutserong nauuso ngayon sa mga kabataan kung saan marami ang nagpu-post sa social media na may mga dinukot ng puting van.

Pinagpatuloy ni Tulfo ang kanyang pakikipanayam sa asawa ng biktima na si Rochelle, kasama ang tatay at kapatid ng biktima.

Sa tingin naman daw ni Tulfo, tila umano prinoject ang biktima kung saan pinagplanuhan umano talaga ang biktima at talagang pinaglaanan ng pansin, tinustusan at sadyang pinag-aralan kung saan siya mahahanap. Nasabi niya raw ito dahil sa pagkakaalam niya, ganito umano ang istilo ng mga sindikato kapag daw meron silang mga tinatawag na project.


Ipinaliwanag naman ni Tulfo kung ano ang nangyayari sa isang project. Ayon sa kanya gumagamit daw ang mga ito ng mga sasakyan at may pattern umano silang sinusunod. Hindi raw ito basta-basta amateur lamang at talagang ito ay pinagplanuhan. Ang motibo ay upang madukot ang biktima at maisakay sa sasakyan.

Tinanong naman ni Tulfo ang mga dumulog na kamag-anak ng biktima kung mayroon bang mga kaibigan si Nino na maaring nasangkot o naidawit o kaya ay naituro ang biktima. Ayon sa pamilya ng biktima, wala raw silang makitang dahilan. Ang tingin umano nila ay idinamay ito doon sa kaibigang nauna ng pinatay. Dagdag pa nila, malinis umano ang record ni Nino sa kanilang barangay.

Muli ay nanawagan si Tulfo sa mga manood na kung mayroon mang impormasyon silang nalalalaman ukol sa biktima ay ipagbigay-alam kaagad.

Watch full video: