Nagsisimula ng mabulok ang katawan ng dalawang lalaking natagpuan sa loob ng isang abandonadong van sa Barangay San Rafael 4, Noveleta City, Cavite nitong Biyernes ng gabi.

Pasado alas 10:50 na ng gabi ng rumesponde ang mga awtoridad at nadiskubre ang dalawang bangkay sa loob nito. Wala pa ring pagkakakilanlan ang dalawang lalaking natagpuan.

Ang abandonadong puting van ay mayroong plate number na NEA 9089.

Una ng kumalat sa social media ang isang post tungkol sa puting van na ito na inabandona sa lugar.

Mayroon umanong napansing dugo na tumatagas sa van ang mga residente sa lugar kung kaya't minabuti nila itong i-post sa social media.

“Sa kwento ng aming source, mabaho umano ang amoy at parang may patay na tao sa loob,” saad sa post.

Nakaparada ang puting van sa isang bakanteng lote malapit sa isang subdivision. Ang bakanteng loteng ito ay nagsisilbi umanong parking area ng mga trak, ayon sa isang source na nakatira malapit sa lugar.

“Wednesday ng madaling araw pa inabandona yung van sa area. Kanina lang napansin kasi namamaho na,” dagdag pa sa post.

    image: Manila Bulletin
Kalaunan ay mayroong nakapagturo sa pagkakakilanlan ng dalawang lalaki. Sa komento sa post ng isang Bernie Buena, isinaad nito kung taga saan ang dalawang lalaking natagpuan.

“Yang van na po na nakita, taga rito po ‘yan sa Mindoro. May umarkila po diyan 3 days na po pero hindi po na po macontact yung dalawang driver,” saad nito.

Ani ni Buena na taga-Socorro, Oriental Mindoro, ang van ay nagmula rin sa probinsya ng Mindoro at inarkila lamang. Ito ang naging basehan ng kapulisan sa pinagmulan ng van at ng mga lalaking natagpuan rito.

Matapos makausap si Buena ay kinumperma ng kapulisan na nagmula nga sa Mindoro ang puting van pati na rin ang dalawang lalaking natagpuan rito.

Hindi pa rin alam ang dahilan sa pagkaka-abandona ng puting van pati na rin ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang lalaki. Iniimbestigahan pa rin ito ng kapulisan.

Bago ang insidente ay nagkalat na ang mga spekulasyon at bali-balita na may kinalaman sa puting van.

Labis na inag-usapan sa social media ang umano'y pangingidnap ng mga lalaking sakay ng puting van sa Metro Manila at iba pang parte ng Pilipinas.

Ayon sa mga balita, mga bata umano ang karaniwang tinatangay ng mga lalaking ito na lulan ng puting van upang kunan ng mga lamang loob at ibenta.

    image: Tonite Abante

Maliban dito, nagkalat rin sa social media ang mga post kung saan mga babae naman ang kinikuha o kinikidnap ng mga lalaking sakay ng puting van.

Nitong Lunes lamang ng gabi, ayon sa isang viral post, ay isang babae umano ang tinangkang tangayin ng mga armadong lalaki sakay rin ng isang puting van sa Makati.

Pinag-iingat nito ang publiko sa mga umaaligid na puting van, lalo na sa gabi, dahil sa mga kahinahinala umano nitong mga intensyon.

Gayunpaman, ilang beses ng itinanggi ng kapulisan ang mga insidenteng ito at sinabing ito ay pawang mga fake news. Nagbabala rin ito sa publiko na huwag basta basta maniwala sa mga balitang kumakalat sa social media.

Katunayan, sa Cebu City, isang lalaki ang inaresto ng kapulisan matapos nitong magpakalat ng fake news sa pamamagitan ng kanyang post. Ayon sa kanya, muntik na umano siyang tangayin ng isang lalaki at babae sa isang puting van.

Aminado naman ang lalaki na gawa-gawa lamang niya ito at intensyon lamang nito na magbigay ng babala upang mag-ingat ang mga tao. Gayunpaman, sasampahan pa rin siya ng kaso dahil sa paglabag nito sa Cyber Crime Law (Revised Penal Code, particularly Alarm and Scandal).

Source: Facebook