Ayon kay Pastor Apollo Quiboloy, hindi niya raw ipinatigil ang bagyong Tisoy sa pagpasok sa Pilipinas dahil sa pangbabash sa kanya noong pinahinto niya umano ang lindol na tumama sa Mindanao nitong Oktubre.

Sa isang panayam sa video na ipinost sa Facebook, sinabi nito na nagdesisyon nga umano siyang hayaan lang na pumasok ang bagyo sa bansa. Si Pastor Quiboloy ay lider ng religious sect na tinatawag na Kingdom of Jesus Christ, at matagal nang may ugnayan sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa sa kanya, "Kasi nung ini-stop ko yung earthquake, nagalit man sila. Binash ako ng napakarami. So, baka i-stop ko yung bagyo magalit baka magalit na naman. O, kaya pinabayaan na natin,"
Dagdag pa nito, "Mag-pray na lang tayo 'yung bagyo lumampas na lang. E, di ngayon normal na. Tulungan na lang natin 'yung mga nasalanta".


Nung nakaraan ay ipinahayag ni Quiboloy na nararapat raw na magpasalamat sa kanya ang publiko dahil sa pagpapahinto niya sa malakas na lindol na tumama sa Mindanao nitong nakaraang Oktubre. Ayon pa sa kanya, mayroon daw siyang mga testigo upang magpatunay sa kanyang itinuran.
Sinabi nito sa isang programa sa telebisyon, "Ako'y umiinom lang ng kape eh, lumilindol. Sinabi ko, 'lindol huminto ka!' Huminto."

"Pasalamat kayo sa 'kin, pasalamat kayo sa 'kin. Kasi kung 'di ko pina-stop 'yun, marami kayong magigiba diyan. Mamamatay kayo. Kaya pasalamat kayo ako ang nagpa-stop ng lindol."

Dagdag pa niya, hindi naman niya raw sana babanggitin pa ang kanyang naging papel sa pagpapatigil ng lindol kung hindi raw dahil sa mga pamumuna sa kanya ng kanyang mga kritiko.


Dahil umano sa mga tinatawag na bashers kung kaya tinamaan ng lindol at bagyo ang Mindanao.
Aniya, "Tingnan mo yung mga lugar ng bashing, kawawa naman. Naawa ako sa kanila, 'di ba? Hindi ko naman, ayoko namang mapahamak ang tao. Pero ang judgment nanggagaling sa Diyos".

Ang lindol na tumama sa Mindanao noong ika-30 ng Oktubre ay may lakas na 6.6 magnitude at naging sanhi ng pagkamatay ng hindi bababa sa walong tao.

Ang epicenter ng nangyaring lindol ay ang Tulunan, Cotabato, na muli namang tinamaan ng isa pang lindol na may lakas na 6.5 magnitude makaraan lamang ang dalawang araw.

Sa huling update, umabot na nga sa 16 katao ang naitalang namatay dahil sa nangyaring magkakasunod na lindol.


Matatandaang si Quiboloy ay hayagan at aktibong nangampanya para kay Pangulong Duterte noon 2016 Presidential election ngunit napabalitang tinanggal ito mula sa grupo matapos na manalo ang dating mayor ng Davao City na matagal na panahon na niyang kaibigan.

Nito namang August, ayon kay Quiboloy, naniniwala siya na si Sara Duterte na siyang kasalukuyang Mayor ng Davao City ang hinirang at pinili ng Panginoon para maging presidente.

Sa kanyang Facebook post noong Huwebes, inanyayahan naman ng self-described “Appointed Son of God” ang kanyang mga tagasunod na magdasal. Aniya, handa raw ang kanyang grupo sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Ayon pa rito, hindi man raw niya ipinapigil ang pagpasok ng bagyo ay hindi naman raw sila hihinto sa pagtulong.

"Ang hindi mai-stop diyan 'yung tulong namin," sabi pa ni Quiboloy.

Source: gmanetwork