Hirap ka bang maningil ng utang? Gigil ka na ba sa mga taong ang tagal magbayad ng utang? Madalas ka bang takasan ng mga taong mayroong utang sa iyo?

Kung oo ang iyong sagot sa mga tanong na ito, bawasan na ang pag-aalala dahil, ayon sa Korte Suprema, mayroon nang mabilis at ligal na paraan kung paano mo madaling mapapabayad ang mga taong mayroong utang sa iyo. Paano? Ating alamin.

Kung dati rati ay napakarami at napakahaba ng proseso upang makapag sampa ng kaso laban sa mga taong mayroong utang sa iyo, ngayon ay mas pinabilis at mas pinadali na ito ng korte Suprema.

Sa ilalim ng Revised Small Claims Procedure, madali nang magsampa ng kasong sibil ang mga taong inutangan sa mga taong nagkakautang sa kanila ng halagang hindi lalagpas sa Php 200 000.


Hindi na umano kailangan ng abogado upang magsampa nito at ang mas maganda pa daw rito ay maari nang matapos ang paglilitis ng kaso sa loob lamang 30 araw o isang buwan. Maari nang malaman agad-agad ang desisyon ng hukom sa loob lamang ng 24 oras o hindi lalampas sa isang araw.

Ito umano ang tugon ng gobyerno at ng Korte Suprema sa dumaraming kaso ng hindi pagbabayad ng utang sa bansa.

“Sa Small Claims, panatilihin natin na ang batas ay maging simple, mabilis, [at] abot-kaya,” ang naging pahayag ukol rito ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sakop ng batas na ito ang mga taong mayroong kailangang bayarang upa o Contract of Lease, utang o Contract of Loan, serbisyo o Contract of Service, pagbenbenta o Contract of Sale, at pagsasangla Contract of Mortgage.

Kailangan lamang umanong makumpleto ang Small Claims form at ihanda o ibigay ang ilang mga dokumentong susuporta sa kasong iyong isasampa. Maliit na halaga lamang rin ang kailangan upang makapag-hain ng kasong ito sa ilalim ng Small Claims Procedure.


Aabot lamang sa mahigit dalawang libo ang iyong babayaran sa paghahain ng kaso kapag ang utang na babayaran sa iyo ay hindi lalagpas sa Php 20 000. Habang Php 4 232 naman ang iyong babayaran sa paghain kapag umabot naman sa Php 100 000 hanggang Php 200 000 ang perang babayaran sa iyo. Abot kaya lamang ito upang hindi umano maging pabigat sa bulsa ng mga tao.

Matapos umanong maihain at maisampa ang kaso ay agad-agad nang padadalhan ng sumon ang taong nagkakautang sa iyo. Ipapa-alam sa kanila ang iyong isinampang kaso at kailangan umano nila itong sagutin.

Sa loob lang umano ng hindi lalampas sa 30 araw o isang buwan magmula ng iyong isampa ang kaso ay agad-agad nang gaganapin ang hearing sa kasong iyong isinampa.

Kapag hindi pa rin nagkaayos sa ginanap na hearing ng kaso ay agad-agad rin, sa loob ng hindi lalagpas sa 24 na oras, ay maglalabas ang korte ng desisyon ukol sa kaso.

“One day of hearing, no extension. No postponement is allowed,

“And then the decision of the judge to be rendered in 24 hours or in 1 day is final, executory, and unappealable,” saad ni CA Associate Justice Fernanda Lampas-Peralta.


Kaya nga lang, limang beses lamang pwedeng maisampa ang kaso sa isinasaad na bayad pa rito. Kapag lumagpas ay mayroon nang karagdagang bayad upang hindi umano maabuso ang batas.

Taong 2010 umano nang unang ipinatupad ang batas na ito ngunit taong 2016 lamang nang itaas ng Korte Suprema ang halagang inutang na pwedeng sampahan, mula Php 100 000 hanggang sa Php 200 000.

Kaya naman, umaasa ang gobyerno na ang batas na ito ay magiging malaking tulong sa mga naniningil ng utang at nang umano’y matutuo na ang mga hindi naman nagbabayad ng utang.

Mas pinapalawak pa ngayon ang pagkakalat ng impormasyon tungkol sa batas na ito upang mas maraming Pilipino pa ang makaalam at lubos na matulungan ng nasabing batas.

PANOORIN ANG BUONG BIDYU: