Noong tayo ay bata pa, simple lamang ang mga bagay na nakakapagbigay saya sa atin. Madali tayong maaliw sa mga bagay na payak lamang, na tila ba ang konsepto ng saya ay madali at magaan. Sa ating kamusmusan, masaya na tayo sa paglalaro, sa masasarap na pagkain, masaya at mapagmahal na pamilya.
Kung ngayon ay tutok na sa mga gadgets at online gaming ang mga kabataan dahil sa ating modernong pamumuhay, noong panahon ng 90s, ang mga kabataan ay kalimitan mong makikitang naglalaro sa labas ng iba’t-ibang mga klasikal na larong pinoy gaya ng tumbang-preso, luksong-tinik, agawan base at kung ano-ano pa . Maliban sa mga pisikal na mga larong ito, tanging libangan ng mga batang 90s ang panonood ng mga programa sa telebisyon.
Kung ikaw ay isang batang 90s, marahil ay kilala mo o naaalala mo pa ang pamosong cartoon character noon na si Heidi. Larawan si Heidi ng isang kabataang pinangarap noon ng maraming batang 90s.
Si Heidi ay isa sa mga karakter sa isang programa sa telebisyon. Isa itong Tagalized animated series na sadyang naging malapit sa puso ng mga kabataan noon. Magmula pa sa theme song nito, maging hanggang sa kanyang mga masasayang ginagawa sa bundok, pati na rin ang mga kaibigan at mga alaga ni Heidi, tila ba maraming mga batang 90s ang sadyang naaaliw kay Heidi..
Hindi nga maitatangging si Heidi ay isang karakter na minahal ng maraming mga bata noon at mapa-hanggang ngayon. Tumatak nga ito sa kanilang mga isipan. Nakakaaliw nga naman kase ang mga masasayang adventure ng batang si Heidi sa Alps kasama ang kanyang lolo at mga kaibigan.
Ang mga simpleng karanasan ni Heidi gaya ng pag-inom ng sariwang gatas, mga pagkaing masustansya na sadyang nakakatakam tignan habang kanya itong kinakain, maging ang mga dayami kung saan siya masayang naglalaro at iba pang mga eksena sa araw-araw na gawain ni Heidi noon na sadya nga namang nakakapagbigay inspirasyon at kulay sa buhay.
Sa pamamagitan ng post ni Ally Tuzon Gerodias na isa sa mga miyembro ng Facebook group na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s nagbalik-tanaw ang ilang mga netizens kung paano at bakit napamahal sa kanila si Heidi.
“Nalungkot ako riyan. Bago kasi kami tumira sa siyudad, sa bukid muna kami. At ‘yong pakiramdam ng wala kang maraming kalaro. Puro hayop lang. Sobrang relate ako,” ayon kay Ana Mafi Fulus
“Aaawwwww, favorite namin ng family ko ‘yan…. Sobrang nostalgic hehe,” sabi naman ni Erjay Nepomuceno.
Ayon naman kay Aquino MarLet, “‘Yong lugar nila ang gusto kong mapuntahan noon, ang kabundukan.”
Masarap nga naman talagang balikan ang mga panahon ng ating kamusmusan. Masayang sariwain ang mga panahon na simple lamang ang buhay at wala pa gaanong komplikasyon.
Source: kickerdaily