Araw-araw ay may mga mga basura o mga lumang bagay tayong itinatapon o ibinebenta. Dahil dito, dumarami ng dumarami ang mga basurang naiimpok at lumalaki ng lumalaki ang suliraning ito na nagiging sanhi pa ng mas malaking problema gaya ng pagbabaha at global warming.
Noong mga nakalipas na taon ay naging malaking usapin nga ang problema sa tone-toneladang basura na nakatambak dito sa Pilipinas mula sa ibang bansa. Dahil rito ay nanindigan ang ating Pangulong Rodrigo Duterte upang maibalik ang mga ito kung saan ito nanggaling.
Sa kagustuhan ng marami na makatulong na maibsan ang ganitong problema sa basura, marami ng mga lugar at establisyamento ang nagkusang magsagawa ng sinasabing No Plastic Policy gaya ng paggamit ng paper bags or eco-bags imbes na plastic o cellphane ang gamitin na supot sa pinamili at pagtatanggal o pagbabawal sa paggamit ng plastic straws.
Likas nga sa mga Pinoy ang pagiging malikhain at mapamaraan. Kahit nga sa mga bagay na mukhang sira na at hindi na magagamit, nahahanapan pa rin ito ng kabuluhan at pakinabang ng mga Pinoy. Kung sadya namang magagamit pa ang isang bagay ay bakit kailangan pa itong itapon kung meron pa namang ibang paraan para gamitin ito.
Imbes kasi na hayaan nating maging lalong makalat ang mundong tinitirhan natin, mas maiging maging parte tayo sa pagbibigay solusyon sa problema ng basura sa ating bansa.
Isa nga sa mga nakakatuwang balita ang nagtrending ngayon sa Facebook. Ibinahagi ng isang netizen na si Jenzel Gonzales sa kanyang Facebook account ang kaniyang pagiging malikhain at masinop. Ipinagmalaki niyang ipinakita ang ginawa niyang pagri-recycle ng kanilang lumang refrigerator nang sa gayon ay mapakinabangan niya pa rin ito kahit hindi na ito gumagana.
Ayon kay Jenzel, ang lumang ref nilang ito ay nilinis naman niya nang maigi at binalutan pa ng wallpaper o sticker paper. At imbes na pagkain ang laman ng kanilang ref, ang nilagay niya ngayon sa loob nito ay mga gamit tulad ng mga damit.
Bukod pa sa mga damit ay ginamit niya rin ang lumang ref na lagayan ng mga stuffed toys na inilagay niya sa may pintuan ng ref. Naging parang isang cabinet na nga ang dati ay sirang ref lamang.
Sa kanyang ginawang post, ibinahagi rin ni Jenzel ang mga kuhang litrato ng kanilang ref na ginawang cabinet. Ayon sa caption na inilagay niya rito:
Flex ko lang yung sirang ref namin na naging aparador. Try nyo din. Ps: hindi po nabaho yung loob, basta lagyan ng alkampor.
Ang alkampor, sa mga hindi pa pamilyar dito, ay isang maliit na bilog na kulay puti. Ito ay ginagamit na mabisang pampuksa o panlaban sa mga ipis. Inilalagay ito sa loob ng mga nakatabi o nakatagong mga gamit nang sa gayon ay hindi ito pamahayan ng ipis o iba pang peste.
Dahil sa ipinost ni Jenzel ay marami naman ang natuwa at namangha sa kanyang pagiging malikhain at pagrirecycle ng lumang refrigerator. Naging isang magandang halimbawa nga ito para sa iba at isang magandang ideya upang mabawasan ang tinatawag na e-waste o electronic waste na ngayon dahil sa ating modernong panahon ng teknolohiya ay lalong dumarami gawa ng pagrami rin ng mga electronic devices.
Source: definitelyfilipino