Mahirap ang mamuhay sa gitna ng liblib at masukal na kagubatan, kung saan ang buhay ay malayong-malayo sa kumportableng buhay na ating kinasanayan. Ang mga pangunahing pangangailangan ng isang tao upang mabuhay gaya ng pagkain, tubig at tirahan ay sadyang salat dito. Kailangang matutunang makibagay at iangkop ang pamumuhay sa kung ano lamang ang meron.

Sa isang video na inupload ng AiirSource Military sa kanilang YouTube account, makikita ang pagsasanay na isinagawa ng mga marino at mandaragat kasama ang Company G., Battalion Landing Team 2nd Battalion, 1st Marine Regiment at 31st Marine Expeditionary Unit. Ito ay bahagi ng isang jungle survival class na pinamumunuan ng Philippine Reconnaissance Marines dito sa ating bansa.

Ipinapakita sa videong ito kung paano tinuturuan ang mga tropang Amerikano ng mga tropang Pinoy ng mga practikal na pamamaraan upang mamuhay sa kagubatan at kung paano mag-adjust sa isang kakaibang kapaligiran kung saan hindi nila kontrolado ang sitwasyon.


Ang mga tropang Amerikano ay tinuruan kung paano makakayanang mamuhay sa gubat gaya ng paghuli at pagluto ng ahas na kanilang makakain, at paggamit ng mga indigenous materials gaya ng kawayang labong o bamboo shoots, mga baging, mga damo o di kaya ay dahon ng saging. Gumamit rin sila ng mga pira-pirasong upas ng saging bilang mga plato. Nilalagay rin nila ang bigas sa pinutol na kawayan upang doon ito lutuin.

Sa jungle survival course na ito ay itinuturo sa mga tropang marino ang iba't-ibang taktika na magagamit nila sa isang marahas na kapaligiran at masukal na kagubatan kung saan limitado ang mga mapagkukunan ng mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay.

Matiyagang nilakad ng mga sandatahang marino at mandaragat ang loob ng gubat patungo sa kanilang magiging tirahan. Sa buong paligid naman ng  kanilang tinutuluyan ay nakapalibot ang iba't-ibang uri ng mga bitag ng hayop na sadyang inilagak upang sila ay makahuli ng mga manok, butiki at iba pang hayop na kanilang kakainin.

Sa paglilibot sa camp site, ipinakita ng mga instructors kung paano gumawa at maglagak ng mga bitag. Itinuro rin dito kung paano gumawa ng mga kasangkapang gawa sa kamay na magagamit upang mamuhay sa ganoong kondisyon.


Maliban dito, itinuro rin kung paano maghanap ng makakain at kung paano malalaman kung ito ba ay ligtas kainin. Ipinakita sa mga nagsasanay ang iba't-ibang paraan ng paghahanda ng pagkain kabilang na dito ay ang paggawa ng apoy gamit ang kiniskis na kawayan, pagbubukas ng isang buko, maging ang paraan kung paano lutuin ang ahas at kanin sa apoy. Masaya rin nilang pinagsaluhan ang kanilang mga nilutong pagkain ala ‘jungle-style' , habang nagkukwentuhan sa paligid ng apoy.

Ayon kay Cpl. Aaron Jimenez, na siyang team leader ng Co. G., 2/1 at naninirahan sa Silverado, Calif. “It is not every day that these Marines get the chance to learn this survival knowledge. Since the Marine Corps is pulling out of Afghanistan, we need to start looking at the other climates.”
(Hindi araw-araw na ang mga marinong ito ay nagkakaroon ng pagkakataong matutunan ang kaalaman sa pag-survive. Dahil ang Marine Corps ay aalisin na sa Afghanistan, kailangan naming simulang tignan ang ibang klima.)


Ayon naman kay Staff Sgt. Calixton Deatras, na siyang armory non-commissioned officer ng Force Reconnaissance Battalion, Philippine Marine Corps na taga-Iloilo City, Philippines, “These Marines showed that they can adapt to this climate really quickly. This knowledge will not only benefit them, but also improve our ability to fight together.”
(Ang mga marinong ito ay nagpakita na kayang-kaya nilang mabilis na bumagay sa ganitong klima. Ang kaalamang ito ay hindi lamang makakatulong sa kanila ngunit higit pa nitong mapapabuti ang abilidad naming makigpaglaban nang sama-sama.)

Ang mga marino at mandaragat ng 31st MEU ay isinasagawa ang kanilang Philippine Bilateral Amphibious Landing Exercise kasama ang mga Pilipinong marino. Layunin nito ang pagbutihin ang kakayahang mapagsabay ng dalawang pwersa at mapalakas pa ang matagal nang relasyon ng dalawang panig.

Panoorin ang buong bidyu dito: