Madalas na ina ang naiiwan sa tahanan upang alagaan at bantayan ang mga anak habang ang mga ama naman ang nagtatrabaho at naghahanap-buhay para sa pamilya.

Bihira lamang ang isang ama na siyang nag-aalaga o nagbabantay sa anak, lalo na sa panahon ngayon na matindi na ang mga pangangailangan sa buhay kaya kailangan nilang kumayod ka-katrabaho.

Ngunit, ibahin niyo ang isang amang ito na naging viral dahil sa nagagawa nitong pagsabayin ang kanyang responsibilidad bilang ama at maisabay na rin  ang pag-aalaga sa anak.

Naging usap-usapan at napuno ng papuri sa social media ang larawan na ito ng isang amang karga-karga sa kanyang likod ang kanyang anak habang siya ay nagtatrabaho.


Mapapansin na ang lalaking ito ay nagtatrabaho sa kusina at kaharap ang mga naglalakihang kaldero habang nakasuot pa ng apron sa katawan. Ngunit, kahit ganito ay nagawa pa rin niyang mai-karga ang anak sa likod habang abala sa pagtatrabaho, mabantayan lamang ito.

Ang mas nagpa-antig pa sa puso ng karamihan ay ang naging pahayag ng lalaking ito na nagngangalang Vinz Manalo Bobo. Siya mismo ang nagbahagi ng naturang mgalarawan na mayroong kalakip na pahayag.

Ito ang kanyang naging pahayag sa kanyang Facebook post:

“Kapit lang anak ko. Kailangan lang talaga magtrabaho ng papa mo para may pambili ng gatas mo. #backride #joyride #inspired”


Si Vinz Manalo Bobo ay isa umanong misyonero na nagtatrabaho rin sa Adventist Hospital Palawan sa Puerto Prinsesa, Palawan.

Sa ngayon ay malapit nang umabot sa mahigit sampung libo ang naabot na shares ng naturang post at mahigit anim na libo naman ang nakalap nitong mga reaskyon galing sa mga netizen.

Samantala, karamihan sa mga naging komento ng netizen ay mga tanong kung nasaan umano ang ina ng bata at bakit niya ito buhat buhat sa trabaho.

Ayon naman kay Vinz, nagkataon umanong mayroong pinuntahang check-up ang kanyang asawa para sa isa pa nilang anak ng araw na iyon at walang maiiwan upang bantayan itong batang karga niya. Kaya naman, walang pagdadalawang-isip na dinala niya ito sa trabaho upang mabantayan.

Gayunpaman, napuno pa rin ng papuri si Vinz dahil sa kanyang ginawa. Ani pa nga ng iba, sana araw lahat ng mga ama ay handang magbantay sa anak kagaya ng ginawa ni Vinz. Mayroon raw kasing iba na magtimpla na nga lamang ng gatas ay hindi pa magawa. Kahanga-hanga umano si Vinz dahil sa pagiging mabuting ama nito sa anak.


Ngunit, maliban sa mga papuri, mayroon ring iba na nagpahayag ng pag-aalala sa kaligtasan ng kanyang anak habang siya’y nagtatrabaho. Maaring delikado umano na nasa likod nito ang bata lalo na’t sa kusina pa umano ito nagtatrabaho.

Maari umanong mainitan at magkasugat ang bata dahil sa init sa loob ng kusina at ng mga naglalakihang kaldero. Maari rin daw madulas si Vinz dahil kusina nga ito at sa maraming pagkakataon ay basa ang sahig nito.

Gayunpaman, sa kabila nito ay mas nangibabaw pa rin ang papuri sa pagiging mabuting ama nitong si Vinz. Isang mabuting ama na dapat lamang hangaan at tularan nang iba pang mga ama.

Source: Facebook