Arestado sa Marikina City ang dating sikat na batang aktor na si Jiro Manio matapos umano itong manaksak. Nangyari umano ang insidente Biyernes ng gabi, ika-17 ng Enero.

Ayon sa ulat ng mga pulis, nakasalubong umano ng 27 taong gulang na dating aktor ang isang lalaki na kanyang inatake.

Nakilala ng pulisya ang lalaking inatake ni Manio bilang si Zeus Doctolero. Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, humugot umano si Manio ng kutsilyo na kanyang isinaksak kay Doctolero ng tatlong beses.

Ngunit, ayon sa ibang mga pahayag, hindi umano si Manio ang nagsimula ng insidente.

Mayroong mga sabi-sabi na nagbagong buhay na ang aktor at iniwan na ang mga bisyo. Hindi ito ang nagsimula sa insidente dahil gumanti lamang daw ito sa kinilalang biktima.


Naglalakad lamang umano si Manio nang hampasin ito ng helmet ni Doctolero. Gumanti lamang umano si Manio rito kaya niya hinabol at sinaksak si Doctolero.

Matapos mahuli ng kapulisan ay dinala na si Manio sa PNP Station sa Marikina sa krimeng Frustrated Homicide.

Si Jiro Manio, o Jiro Katakura Y. Manio ang buong pangalan, ay dating sikat na child actor na nanalo ng ilang mga prestihiyosong pagkilala.

Lumabas ito sa ilang mga malalaking pelikula at naging bida rin sa isang matagumpay na pelikula. Pinaka nakilala ito sa pagganap na bida sa pelikulang Magnifico noong 2004.


Ang pagganap niya sa naturang pelikula ang siyang nagbansag sa kanya bilang isa sa pinakamagaling na batang aktor ng panahon. Ibang klase ang ipinakita nitong natural na pag-arte sa harap ng kamera.

Hinangaan at sumikat ang dating child star dahil sa galing nito sa larangan ng pag-arte. Ito na marahil ang pinakamagaling na batang aktor sa kanyang henerasyon. Naging makulay pansamantala ang kanyang karera sa industriya.

Iyon nga lang, matapos ng pamamayagpag ay unti-unting nawala ang aktor sa telebisyon. Hindi naging maganda ang sumunod na mga balita tungkol sa kanya.

Umano’y nalulong sa ipinagbabawal na droga ang aktor na si Manio. Naging batang ama rin ito at ngayon ay mayroon nang dalawang anak. Nakita rin itong palaboy-laboy na lamang sa ilang lugar kabilang ang NAIA.

Makailang beses na rin itong ipinasok sa rehab. Umugong rin ang mga reklamo at problema nito sa pamilya at sa kinakasama.


Minsan na rin itong tinulungan ng mga artista na nakakakilala sa kanya katulad ng batikang komedyante at naging ina niya sa pelikula na si Ai-ai delas Alas. Ito ang muling nagpasok kay Manio sa rehab upang magbagong buhay na ang aktor.

Ngunit, habang nasa rehab pa ito ay naibalita rin ang mga beses na ito’y tumakas. Gayunpaman, nakalabas na rin ito sa rehab sa tulong pa rin ni delas Alas.

Matapos nito ay wala na ulit naging balita tungkol sa aktor. Hanggang sa naging laman na ulit ito ngayon ng balita dahil sa bago na naman nitong kinasangkutan.

Sa kabila nito ay naniniwala pa rin ang iba na tuluyang nang nagbagong buhay ang aktor at hindi nito intensyon ang nagawa.

Source: GMANetwork