Papalapit na naman ang Araw ng mga Puso. Kaka-tapos pa nga lamang ng bagong taon ay nasa isip na ng karamihan ang isa na namang importanteng okasyon sa susunod na buwan. Biro pa ng iba, mayroon na lamang umanong ilang linggo upang humanap ng jowa iyong mga wala pang jowa na makasama sa paparating na ika-14 ng Pebrero.
Kaya naman, ayon sa mga tindera sa Quiapo, benta na naman umano ang mga bote ng gayuma dahil sa papalapit na Valentines Day. Mga gayumang ginagamit upang agad-agad na mapa-ibig ang taong iyong sinisinta.
Ayon sa mga tindera nito sa Quiapo, bentang-benta umano ang mga ito sa mga kabataan. Siguro ay dahil mahalaga para sa ilang kabataan ngayon ang pagkakaroon ng kasintahan.
Upang madali nga namang mapa-ibig ang isang tao, ginagamitan umano ito ng gayuma. Nakakagulat man para sa modernong panahon ngunit marami pa umano ang naniniwala rito. Mayroong mga aminado na gumamit na sila nito ngunit mayroon rin namang hindi naniniwala rito.
Isa nga sa mga nagtitinda ng gayuma ay ang isang Ariel Red. Si Ariel ay halos isang dekada na umanong nagtitinda ng gayuma na isinisilid niya sa isang bote.
Ayon kay Ariel, naglalaro umano ang presyo ng mga ibinebenta niyang gayuma mula Php 150 hanggang Php 300. Aniya, pinakamabenta umano ito ngayong panahong papalapit na ang Araw ng mga Puso.
Kapag ginamitan umano ng gayuma ang isang tao, hindi na umano ito makakahindi pa na umibig sa taong naglagay o nagbigay ng naturang gayuma. Mayroong mga gayuma na inilalagay sa ilalim ng unan at mayroon namang iba na inihahalo sa pagkain o sa inumin.
Ngunit paano nga ba ito ginagawa at ganito ang bisa nito?
Ayon kay Ariel na siya mismong gumagawa ng ibinebenta niyang gayuma, likas na umano sa kanya ang paggawa nito.
Imahe galing sa ABS CBN
“Walang nagtuturo… kusa lang sa akin. At saka yung parang tinuturo lang sa akin sa taas,
“Dasal tapos yung… galing sa bundok na buhok na gumagalaw. Tapos dinadasalan iyon para maging effective,” saad ng tinderong si Ariel.
Kaya naman, dahil wala namang siyentipikong eksplenasyon na nagpapatunay sa bisa ng gayuma, mayroong babala ang ilang mga doktor sa maaaring dulot nito sa katawan lalo na iyong mga iniinom na gayuma. Dahil umano sa mga ginagamit sa paggawa nito, maaari umano itong magdulot ng hindi maganda sa katawan.
Maliban rito, salungat din sa paniniwala sa gayuma ang Relationship Expert na si Maribelle Dionisio. Ayon sa kanya, hindi umano nadadaan sa gayuma ang tunay na pagmamahal.
“We have to get to know the person first. Sinulat na ba natin iyong ating hinahanap? So iyong physical, your interest, values, and personality,” paliwanag ni Dionisio.
Gayunpaman, hindi pa rin masisisi ang mga taong naniniwala at kumakapit pa rin sa gayuma. Gusto lang naman ng mga ito na maibalik ang pagmamahal na ibinibigay nila sa isang tao. Sino ba naman ang ayaw na mahalin ng taong kanila ring minamahal? Eh sa buhay naman, pagmamahal ang pinaka nagpapasaya sa isang tao.
Ngunit, tama lang rin naman ang mga eksperto na dapat mag-ingat sa paggamit ng gayuma. Mas masarap pa rin sa pakiramdam ang kusa at tunay na pagmamahal galing sa isang tao.
Source: ABSCBN