Hindi na bago sa atin ang mga kwento ng karanasan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na inaabuso sa ibang bansa. Karamihan sa mga ito ay natutulungan naman ng ating pamahalaan upang mapauwi sa bansa, ngunit, mayroon pa ring iba na mas pinipili itong tiisin para may maipadala lamang sa pamilya.
Ngunit, sa kabila ng mga ito, maraming Pilipino pa rin ang nagnanais na makapunta at magtrabaho sa ibang bansa. Isa nga sa mga pangkaraniwang bansang pinupuntahan ng mga OFW ay ang UAE (United Arab Emirates). Kaya naman, ang UAE rin ang may pinakamaraming kaso ng mga OFW na naiuulat na inabuso.
Isa sa mga naglakas-loob na pumasok sa UAE at maging OFW ay si Gina Madis. Ngunit, isa rin sa Madis sa mga hindi sinwerteng makatagpo ng maayos na amo.
Kaya naman, kamakailan lang, sa tulong ng gobyerno ay napauwi na si Madis sa bansa. Sa isang panayam, ibinahagi ni Madis ang kanyang naging mapait na karanasan sa kamay ng kanyang amo sa UAE. Kung paanong halos wala itong kain at bilad pa sa araw ngunit hindi naswe-sweldohan.
Imahe galing sa filipinotimes
Hindi rin umano sila makapagsumbong, kahit man lang sa kanilang pamilya, dahil kinumpiska umano ng kanyang amo ang kanyang cellphone. Kaya naman, nang magkaroon ng pagkakataong tumakas, dali dali umano itong dumiretso sa Philippine Embassy.
“Yung overworking minsan walang kain, minsan ‘yung amo, [sa] kasagsagan ng init ng araw ibinibilad kami sa labas. Pinagtatrabaho kami or nagwawalis or nag-gagardening kami dun sa labas. Parang mahihimatay kami sa sobrang init,
“Parang nabunutan na ako ng tinik na nakarating na ako dito sa Pilipinas. (Noong) nandoon ako sa ibang bansa, parang gusto ko na parang kahon na ako ng uuwi ako dito kasi yung sitwasyon ko nga. Wala akong cellphone, hindi maka-contact sa family namin… feeling ko mamatay na ako sa sitwasyon naman,” salaysay pa ni Madis.
Imahe galing sa alarabiya
Isa sa Madis sa mga Pilipinong pumupunta sa Middle East gamit lamang ang Visit Visa. Pinahihintulutan naman ang pagtatrabaho sa ilalim nito ngunit hindi ito hinihikayat ng pamahalaan. Karamihan kasi ay inaabuso ang pribelehiyong ibinibigay sa paggamit nito.
Kaya naman, karamihan sa mga gumagawa nito ay napupunta sa hindi maayos na mga kondisyon, gaya na lamang ni Madis. Noong nakaraang taon nga lamang ay umabot sa limang libong OFW ang natulungang mapauwi sa Pilipinas galing UAE dahil sa pang-aabuso ng amo.
Ayon kay Madis, sa Facebook niya lang rin umano nalaman ang tungkol sa trabaho at dito na rin siya na-recruit. Naengganyo umano siya sa mga pangako ng agent na ito galing sa Facebook kaya siya pumayag na magtrabaho sa UAE.
“‘Yung agent namin ‘yong bale na ano lang kami sa Facebook. Naimbita lang kami sa Facebook [at] ang damo nilang pangako na kesyo mau day-off,” dagdag pa ni Madis.
Gayunpaman, sa kabila ng naging katakot-takot na karanasan, ayon kay Madis ay payag pa rin itong pumunta at magtrabaho sa ibang bansa. Hindi rin naman dito masisisi si Madis dahil sa hirap ba naman ng buhay, kahit ano ay gagawin, magkaroon lamang ng maayos na buhay ang pamilya.
Ngunit, saad ni Madis, sa pagkakataong ito umano ay sisiguradahin na niyang ligtas at legal na ang kanyang pagtatrabaho.
Source: filipinotimes