Isa sa pinaka importanteng dokumento na hahawakan ng isang tao ay ang kanyang birth certificate. Ito ang pinakamatibay na ebidensya ng kanyang pagkakakilanlan. Ito rin ang gamit upang kumuha ng iba pang mga mahahalagang dokumento tulad ng passport.
Kung wala ito, hindi rin makakapag-aral ang isang tao. Maging sa trabaho ay ito rin ang isa sa pinaka hinahanap. Kaya naman, dapat ay tama ang lahat ng nakasaad sa iyong birth certificate. Ang pagkakamali rito ay maaaring magdulot ng mas komplikado pang mga bagay at problema.
Kaya naman, huwag mag atubiling lumapit sa nga kinauukulan kung mayroong nais itama sa iyong birth certificate. Minsan nga ay pinagwawalang bahala na lamang ito ng iba dahil hindi alam paano ito i-proseso.
Ngunit, paano nga ba maitatama ang mga mali sa isang birth certificate?
Ayon kay Editha Orcilla, assistant national statistician ng Civil Registration Service ng Philippine Statistics Authority (PSA), madalas ay umaabot umano ng halos tatlong buwan ang proseso upang maitama ang mga mali sa isang birth certificate.
Una umanong dapat gawin ng ay mag-file ng petisyon ng pagbabago sa civil registration office kung saan umano nakarehistro ang birth certificate ng magpapatama.
Karaniwan umano sa mga itinatama sa birth certificate ay petsa ng kapanganakan, spelling ng pangalan, at kasarian ng tao. Kapag naman kasarian ang itatama, ihanda na umano ang isang katibayan mula sa isang doktor na akreditado ng gobyerno.
Ang mga kailangan namang dokumento para makapag-file ng petition for correction of entry ay kopya ng mayroong maling birth certificate, school records, medical at baptismal certificate, o kahit na anong magpapatunay sa maling dapat itama sa birth certificate, at ilan pang mga dokumento na maaring hingin ng civil registration office.
Umaabot umano sa Php 1 000 ang babayaran sa pagfi-file nito. Ngunit kapag nag-file sa ibang civil registration office at hindi sa mismong pinarehistrohan ng birth certificate o tinatawag na migrant petition, Php 1 500 ang dapat bayaran
"Ito po’y kailangan personal na pumunta ‘yong may-ari ng dokumento at may kailangan pang medical certification from an accredited government physician," saad ni Orcilla.
Pagkatapos nito ay ipapadala ng civil registration office ang inihaing petisyon sa opisina ng PSA upang aprubahan.
Ibabalik naman ulit ito ng PSA sa sa civil registration office at nang maihanda nito ang certificate of finality.
“We are not allowed to change any entries in the record mismo. We cannot erase kasi tampering na po ‘yan. We just do the annotation," dagdag pa ni Orcilla.
Matapos muling aprubahan ng civil registration office, pwede na umano itong kunin ng mismong nagpapatama at hindi pwedeng kunin ng ibang tao.
Kapag naman nasa ibang bansa ang taong mayroong ipatatama sa kanyang birth certificate, ang kailangan lamang nitong gawin ay lumapit sa pinakamalapit na embahada ng Pilipinas. Maliban rito ay maari ring magbigay na lamang ito ng authorization letter sa kakilala o kamag-anak na siyang gagawa ng proseso.
Sa ngayon, ani ni Orcilla, ay mano-mano pa lamang ang proseso ng pagtatama sa birth certificate. Wala umanong online na paraan para sa pagtatama nito, sa ngayon.
PANOORIN ANG BUONG DETALYE DITO: