Kasabay ng patuloy na pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas ay ang pagkagising rin ng kuryosidad ng mga tao sa naturang Bulkan. Dahil rito, kamakailan lang ay naglipana sa internet ang mga larawan ng mga pagsabog noon ng Bulkang Taal, lalo na ang trahedya na idinulot ng pagsabog nito noong taong 1911.

Ang Bulkang Taal ang isa sa pinakasikat at pinakabinibisitang bulkan sa buong Pilipinas, maliban sa Bulkang Mayon ng Albay. Iyon nga lang, sa kabila ng nakaka-akit nitong kagandahan, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ito ay isang mapinsalang bulkan na minsan nang kumitil ng daan-daang buhay sa tuwing ito’y pumuputok.

Isa sa hindi makakalimutan ng mga taga-Batangas ay ang mga pagsabog ng Bulkang Taal noong taong 1754 at 1911. Pinakamapinsala sa mga ito ay ang trahedya ng pagsabog ng Bulkang Taal taong 1911.



Higit sa 1 335 na buhay ang kinuha ng nag-aalburotong Bulkang Taal noong taong 1911. Maliban pa ito sa tinatayang 199 na bilang ng mga taong nasaktan sa naturang pagsabog. Hindi lubos makilala ang kapaligiran ng Bulkan sa tindi ng pagsabog nito ng taong iyon.

Maliban sa daan-daang tao na namatay sa pagsabog noong 1911, kaawa-awa rin ang hindi mabilang na mga hayop na walang labang binawian rin ng buhay sa trahedya.

Ebidensya ang mga larawan ng pangyayaring iyon kung gaano katindi ang naging epekto ng naturang pagsabog. Natabunan na lamang ng abo ang buong lugar sa paligid ng bulkan. Kabilang sa mga natabunang ito ang mga puno, hayop, at mga katawan ng mga taong hindi pinalad na makaligtas sa pagputok ng Bulkang Taal.

Sa pagsabog ng bulkan, naitala ng Manila Observatory ang higit 26 na paglindol noong gabi ng ika-27 ng Enero, 1911. Umabot agad ito sa bilang na 217 pagsapit ng ika-28 ng Enero, 1911, isang araw lamang matapos ang pagsabog.




Sa kasalukuyan, maiging ipagpasalamat na lamang na marami ang buhay na nakaligtas sa patuloy na pagsabog ng Bulkang Taal. Ngunit, hindi pa rin maiaalis ang lungkot sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal dahil kinuha at napinsala na nito ang kanilang lugar, tahanan, mga alagang hayop, at hanapbuhay.

Umabot na nga hanggang sa kalapit na lugar ng Batangas ang epekto nito, kaya naman nagkakaubosan na ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ang mga apektado. Nababalot ang mga lugar na ito ng makapal na abo galing sa nag-aalburotong bulkan.

Kaya naman, nangangailangan ngayon ng dasal at tulong, lalo na ang buong Batangas, upang makaahon sa sakunang ito na dulot ng Bulkang Taal. Sapilitan na ang mga paglikas na ginagawa sa mga residente upang maiwasan pa ang mas malalang tragedya. Gumagawa na rin ng mga hakbang ang lokal na pamahalaan ng Batangas upang matulungan ang mga residente ng probinsya.



Ilang mga organisasyon at mga makapangyarihang tao na rin ang nagpaabot ng tulong sa mga napinsala ng pagsabog. Patuloy rin ang pagkalap ng mga donasyon at tulong sa mga ito.

Sa loob ng 54 na taon, dinayo ang kagandahan ng natutulog na bulkan ng maraming lokal at banyangang turista. Hindi alam ng mga ito ang masalimuot na kasaysayan ng inaakala nilang tulog at nang-aakit ang kagandahang bulkan. Ngunit ang mga matatanda at mga naging saksi ng mga pagsabog nito noon ay hindi malilimutan kung gaano ito ka-mapinsala sa tuwing inilalabas na ng bulkan ang tinatagong bagsik.

Source: pinoyrapradio