Talaga nga namang likas na masayahin ang mga Pinoy. Lahat ng klaseng pakulo ay gagawin nito, mapasaya lamang ang kapwa at ang sarili. Kaya kahit sa panahon man ng kalamidad, hindi pa rin napipigilan ang mapangiti kahit sa ganitong sitwasyon. Isa nga ito sa katangian ng mga Plipino na labis na hinahangaan ng mundo.
Isa sa patunay nito ang isang Facebook post na naging trending sa social media kamakailan lang. Ang Facebook post na ito ang isa sa mga patunay kung gaano ka-masayahin ang mga Pinoy.
Mahilig ka bang maglaro ng basketball? Kung oo ang iyong sagot, kaya mo bang maglaro nito na ang tanging suot ay isa lamang… diaper?
Ito ang kwelang laro ng basketball ng mga kalalakihan sa isang barangay sa probinsya ng Albay.
Imahe galing kay Gemma Nacor
Tanging diaper lamang ang suot ng mga lalaking ito sa Brgy Minto, Guinobatan sa Albay habang masyang naglalaro ng basketball.
Kakasalanta pa lamang umano ng isang bagyo noong Disyembre ang lugar na ito sa Albay. Isa kasi ang Brgy Minto sa mga barangay na labis nasalanta at binaha ng bagyong Tisoy.
Kaya naman, wala umanong pera ang lokal na pamahalaan para sa jersey, o kasuotang pam-basketball, ng mga sasali sa liga.
Kaya naman, napagkatuwaan na diaper na lamang ang suotin ng kalalakihang kasali sa ligang ito. Mabuti na rin daw ito upang matuloy at mas maging masaya ang pa-liga ng barangay.
Biro pa nga ng iba, mistula umanong mga ‘bondying’ ang mga lalaking naglalaro sa nakakatuwang torneyo na ito.
Imahe galing kay Barangay Minto Guinobatan Albay
Ayon sa Brgy Kagawad ng barangay na ito na si Gemma Nacor, sinagot na umano ng barangay ang mga suot na diaper ng mga manlalaro. Ginawa umano nila ito upang maituloy lamang ang ligang in-organisa ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Brgy Minto.
Patok na patok ang kakaibang larong ito sa mga netizens na nakakita sa mga larawan ng naturang pa-liga. Labis itong kinagiliwan ng nakararami dahil sa kakaiba at nakatutuwang pakulo ng laro. Pati na rin sa mga residente ng Brgy Minto ay natuwa ang mga ito dahil sa game na game ang mga ito sa kakaibang liga.
Ngunit, kung kakaiba na ang kasuotan pa lang ng mga manlalaro nito, mas kakaiba at nakaka-aliw umano ang ini-uwing premyo ng grupong itinanghal na kampeon sa liga.
Imahe galing kay Gemma Nacor
Nag-uwi lang naman ang mga tinaguriang ‘Hari ng Hard Court’ ng isang kahon ng inuming beer at lechong manok. Tamang inuman at pulutan lamang para sa tinaguriang kampeon.
Tunay na nakaka-aliw at nakakabilib ang ginawang ito ng mga residente ng Brgy Minto. Hindi matutumbasan ng mamahalin at magagandang jersey ang kasiyahang ng mga manlalaro at ng mga nanood nito. Isali na lang rin ang aliw na nadama ng mga nakakita sa mga larawan ng naturang kakaibang liga.
Ang larong ito ay isa lamang sa mga patunay ng pagiging masiyahin ng mga Pilipino sa kahit na anumang sitwasyon. Kaya nitong gawin kahit ang pinakanakakahiyang bagay, makapagbigay lamang ngiti at kasiyahan sa mga tao. Walang kalamidad o sakuna ang makakapigil nito at walang pagdududa na ito ang isa sa pinakamagandang kaugalian ng mga Pilipino.
Source: MMV