Sa loob lamang ng dalawang taon, dahil sa pagsisikap at kasipagan, nakapagpagawa na ang isang OFW (Overseas Filipino Worker) ng kanyang bahay na dati ay sira-sira at tagpi-tagpi lamang.
Mahirap man at malayo sa pamilya, tiniis lahat ng ito ng isang Ginalyn Junkurt, mula sa Tuguegarao City, Cagayan, matupad lamang ang mga pangarap at matustusan ang pangangailangan. Lahat ng hirap sa pagiging OFW sa Hongkong ay tiniis nito matupad lamang ang mga hangarin kagaya na lamang ng pagpapa-ayos nito sa dating bahay.
Si Junkurt ay isang larawan kung gaanong nagsisikap at nagpapakadakila ang isang OFW, umunlad lamang sa buhay at maka-alis sa kahirapan.
Mahirap man, hindi kaya ng maliit na sweldo sa sariling bansa ang mga pangangailangan na dapat tustusan kaya naman naglalakas loob na lamang ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa.
Sa pamamagitan rin ng disiplina at pagtitipid, dahan-dahan na ngang isinasagawa ni Junkurt na mapaayos ang dating sirang bahay. Kung dati ay tumatagas umano ang ulan mula sa bubong ng bahay at tagpi-tagpi lamang ang mga dingding nito, ngayon ay makikita na sementado na ito at di hamak na mas matibay kaysa dati.
Kung dati ay nangangamba si Junkurt at ang pamilya sa tuwing bumabagyo, ngayon ay mababawasan na ang pangamba dahil sa mas matibay na bahay na magbibigay sa kanila ng proteksyon tuwing may darating na bagyo.
Kung hindi dahil sa pagtitipid at pagsisikap na ginawa ni Junkurt at ng kanyang asawa, wala sana ang bahay na kanila ngayong naipundar. Tunay na nasa tao rin talaga ang gawa at kung paano aasenso sa buhay.
Maliban sa inspirasyon na umangat sa buhay, inspirasyon rin umano ni Junkurt ang anak upang lalong magsumikap at pagbutihin sa trabaho. Iniaalay nito ang pagtatrabaho upang magkaroon ng magandang buhay at kinabukasan ang kanyang mahal na anak. Dugo at pawis ang kaya nitong isakripisyo para rito at sa mga pangarap na gustong tuparin.
Ayon kay Junkurt, isa rin umano sa mga dahilan kung bakit ito nakapag-ipon at nakapaglaan ng pera para sa pagpapatayo ng bahay ay dahil sa mga payo at tips na ibinibigay ng ilang mga grupo o organisasyon. Isa na rito ang grupong Peso Sense kung saan nagbibigay ito ng mga payo ukol sa pag-titipid lalo na sa mga OFW.
Marami na umanong natulungan ang grupong ito na karamihan ay pawang OFW. Itinuturo umano nito ang tamang pagdidisiplina upang makapag-impok ng pera. Dahil rito, nakakapagpundar at nagkakaroon umano ng tamang ipon ang mga OFW.
Ngunit, kahit anong payo ang gawin, kapag hindi sinamahan ng sipag at disiplina ay wala ring patutunguhan ang isang tao. Nasa tao pa rin talaga kung paano paiiralin at pa-aasensohin ang buhay. Tunay na nasa tawa ang gawa at nasa Diyos ang awa.
Hawak mo ang iyong kapalaran kaya naman gumawa ka ng paraan upang umangat ka sa kahirapan na iyo ngayong kinalalagyan. Walang imposible sa taong masipag, nagsusumikap, may disiplina, at nagiging wais sa mga desisyon sa buhay. Walang ibang gagawa nito para sa iyo kaya naman ikaw na mismo ang kumilos at humarap sa mga hamon ng buhay.
Source: artikuloblogazine