Hindi pa rin natatapos ang pamamayagopag ng ‘Tala’ Dance Craze sa bansa, o ang pagsayaw sa saliw ng kantang ‘Tala’ ni Sarah Geronimo. Maging bata man o matanda, pulis o guro, estudyante sa paaralan o zumba, nahuhumaling sa sayaw na ito.
Ilang bersyon na nito ang ibinahagi sa internet ng mganetizen na siya namang agad na naging viral. Mukhang hindi pa ito matatapos sa kasalukuyan lalo na’t ito na umano ang pambansang tugtog ng mga Pilipino.
Hanggang sa ibang bansa ay umabot na nga rin ang pagsasayaw ng ‘Tala’. Kamakailan nga lang ay isang grupo ng mga kalalakihan galing sa UAE, o mga Arabo, ang naging viral dahil sa kakaiba nilang bersyon ng ‘Tala’ ni Sarah Geronimo.
Taliwas sa pagsayaw ng kinagigiliwang choreography ng ‘Tala’, nakuha ang atensyon ng karamihan ng mga lalaking ito dahil sa pag-iiba nito sa ‘Tala’ challenge.
Sinayaw lang naman nila ang ‘Tala’ sa iba’t-ibang lugar sa UAE. Mula sa kanilang paggising, ‘Tala’ na agad ang sinayaw ng mga ito. Hanggang sa kanilang pagpunta sa grocery store ay ‘Tala’ pa rin ang kanilang sinayaw.
Hindi pa nga mga ito pinalagpas pati ang pagsayaw ng ‘Tala’ sa kalye. Maging sa escalator ay nakakatuwang nagawa pa rin nilang sumayaw. Talagang ‘Tala’ pa rin talaga kahit saan.
Kaya naman, labis na kinagiliwan ang kanilang naging bersyon ng ‘Tala’ na ibinahagi nila sa Facebook page na ‘Mga Arabong Pasaway’.
Sa isang panayam, kahit na hindi personal na nagpakilala ang apat na lalaking nasa likod ng Tala version na ito, nilinaw naman nilang sila ay mga Pinoy-Emirates; mga lalaking may lahing Pinoy at Arabo.
Bagama’t nakatira at lumaki sila sa UAE, nais nilang yakapin at isabuhay rin ang kultura ng mga Pinoy dahil nasa dugo rin umano nila ito. Isinilang ang mga lalaking ito sa Arabong ama at Pinay na ina.
Anila ay sila mismo ang nakaisip na gawan ng pakulo ang kanilang bersyon ng ‘Tala’ na kinunan nila sa mga lugar sa UAE tulad ng sa Al Ain sa Abu Dhabi.
“Plano naming gawin ‘yung sayaw na ‘Tala’ pero nagbago [ang] isip namin at gusto namin ilagay [at gawing] nakakatawa at makapagpapasaya [kapag] papanoorin [yung] video kaya ganun [ang] ginawa po namin… Ginawa naming bago at nakakatawa ang idea para maiba yung sayaw na Tala,
“Lumaki kami sa dalawang culture, Emirati sa father side at Pinoy sa mother side,” ani ng isa sa apat na nasa likod ng kakaibang ‘Tala’ version sa UAE.
Kahit na iba ang kanilang kinalakhang kultura, nakakatuwa na hindi pa rin bumibitaw sa kultura ng mga Pilipino ang mga Pinoy-Emirati na ito. Kahit sa simpleng paraan ng pakikisali sa kinagigiliwan ngayon ng mga Pinoy, naipapakita ng mga ito na Pinoy pa rin sila sa kanilang mga puso.
Kaya naman, tuloy na tuloy pa rin ang pamamayagpag ng ‘Tala’ sa social media. Mukhang lahat na ata ng Pilipino ay narinig at nakiindak na sa saliw ng ‘Tala’. Isang simpleng sayaw na kahit paano ay napagkakaisa at napapasaya ang mga Pilipino kahit na nasa ibang bansa ang ilan sa mga ito.
Patunay lamang na kapag mayroong kinagiliwan ang mga Pinoy, kahit ang nasa ibang bansa ay maeengganyo na makisali na rin dito.
PANOORIN ANG BUONG BIDYU DITO:
Source: Filipinotimes