Dahil sa patuloy na pagdami ng mga kompirmadong kaso ng nakamamatay na 2019 novel coronavirus (2019 nCoV), hindi lamang sa seguridad at kalusugan ng mga Pilipino ang hinihigpitan ngayon ng pamahalaan.

Maging ang mga ‘ukay-ukay’ ay nasali na rin sa usaping ito. Ayon sa balita, hihigpitan na umano ngayon ng Bureau of Customs (BOC) ang pagpasok ng mga inangkat na ‘ukay-ukay’ lalo na’t galing sa bansang China.

Ito ay dahil sa maraming kompirmadong kaso ng 2019 nCoV sa China kung saan doon rin sinasabing nagsimula ang virus. Sa Wuhan, China hinihinalang nanggaling ang binabantayang virus.

"Iyang ukay-ukay kaya banned iyan kasi may health issues diyan. We are not discounting that if ever na mayroon at dumaan 'yan sa any country affected by nCoV, that might be infected. There is a high risk na they might carry those viruses and we don't want that," saad pa ni BOC assistant commissioner Vincent Maronilla sa isang panayam.


Dagdag pa nito ay mas maghihigpit pa umano ang ahensya at palalawakin pa ang seguridad upang wala nang makapasok na ‘ukay-ukay’ sa bansa.

Kung tutuusin, bawal naman talaga sa batas ang pagpapa-pasok ng mga second-hand na damit o anumang bagay sa bansa at gamitin sa negosyo. Ilegal itong gawain na nakasaad pa sa Republic Act 4653.

Ngunit, ilegal man, kitang-kita na talamak pa rin ang bentahan nito at buhay-buhay pa rin ang industriya ng ‘ukay-ukay’ sa buong bansa.

Bagaman wala pang patunay na pwedeng maipasa ang 2019 nCoV sa pamamagitan ng damit o mga bagay, minabuti pa rin ng BOC na manigurado at mag-ingat.

Ayon pa nga sa special envoy of the President for global health initiatives na si Dr. Susan Mercado, bihirang mabuhay ng matagal ang 2019 nCoV sa mga bagay tulad ng kahon, plastik, damit, sapatos, at iba pa. Ito umano ay dahil nabubuhay lamang ang coronavirus na ito sa isang live host.


Sa ngayon, hindi pa rin eksaktong natutukoy ng mga eksperto kung saan at paano naipapasa ang delikado at nakamamatay na virus.

Maliban sa paghihigpit na ito, mas lalo ring hinigpitan ng BOC ang maraming mga paliparan sa bansa. Hindi lamang ito upang maiwasan ang pagpasok ng mga idibidwal na maaaring magdala ng 2019 nCoV sa bansa, kundi dahil rin upang masiguro na pati mga kakaibang hayop ay hindi rin makapasok.

Ito ay matapos mapag-alaman ng mga mananaliksik ukol sa 2019 nCoV na malaki ang posibilidad na galing ang virus sa mga hindi pangkaraniwang mga hayop, o iyang mga wild at exotic na mga hayop. Halimbawa nito ay ang paniki.

Mayroong ngang mga larawan na kumakalat ngayon online kung saan nagpapakita kung gaano katalamak ang bentahan ng paniki sa Wuhan, China. Kaya naman, sinisigurado ng pamahalaan na hindi ang mga ito makakapasok sa bansa para na rin sa kasiguraduhan at pag-iingat na hindi makapasok ang 2019 nCoV sa bansa.


Hangga’t malaki ang banta ng 2019 nCoV sa buhay ng nga Pilipino, mas lalo pang pag-iigtingin ng gobyerno ang seguridad sa kahit anumang aspeto. Lalo na ngayon na halos lahat ngmga bansang nakapalibot sa Pilipinas ay mayroon nang naitalang mga kompirmadong kaso ng pinangangambahang 2019 nCoV.

Source: ABS CBN