Isa ka rin ba sa mga nangangarap na maging isang Fligh Attendant o FA? Kung oo, isa itong magandang balita para sa iyo. Ayon sa isang anunsyo, maaari nang mag-apply bilang FA kahit high school pa lamang ang natatapos.
Hindi maikakaila na pangarap ng karamihan, lalo na ng mga kababaihan, ang maging isang FA. Karamihan ay sa kadahilanang gustong malibot ang mundo o magtravel kumbaga. Bilang FA, makakapunta ka sa iba’t-ibang lugar o sa iba’t-ibang destinasyon kung saan lalapag ang eroplanong iyong sinasakyan.

Ang FA ang siyang sumisiguro sa kaligtasan ng mga pasahero sa isang eroplano. Trabaho ng isang FA na tugunan ang mga pangangailangan ng mga pasahero at siguraduhing komportable ang kanilang pagbyahe.


Sila rin ang animo’y nagpapakalma sa mga pasahero sa tuwing mayroong sakuna. Sinisigurado rin ng isang magaling na FA na sumusunod ito sa panuntunan ng Federal Aviation Administration.

Dati, maliban sa training na kailangang pagdaanan at tapusin upang maging isang FA, kinakailangan rin na magkaroon muna ng diploma sa kolehiyo. Dapat munang makapagtapos ang isang indibidwal ng isang dalawa o apat na taong kurso sa kolehiyo bago maging isang FA.

Ngunit, ayon sa anunsyo ng Facebook page na Becoming a Flight Attendant, mayroon na umano ngayong mga airlines na tumatanggap ng mga aplikante para maging FA na kakagraduate lamang ng high school.

Maliban sa anunsyo, naglabas rin ang naturang Facebook page ng listahan ng mga airlines na tumatanggap ng mga aplikanteng high school graduate.

Marami ang gustong maging FA dahil maliban sa libreng byahe sa iba’t-ibang lugar, itinuturing rin ng iba ang trabahong ito bilang isa sa pinakamaganda.


Isa sa mga qualifications kasi ng karamihan sa mga airlines ay ang pagkakaroon ng height o tangkad na karaniwan ay hindi bababa sa 5’3. Requirement rin ang pagkakaroon ng presentableng mukha at maayos na ngipin.
Tugma rin umano dapat ang timbang ng isang FA sa nararapat na tangkad. Dapat rin na maganda ang ngiti na nakakatawag raw ng pansin.

Mayroon ring mga airlines na tinatanggap lamang ang mga dalaga o binatang aplikante na hindi lalagpas sa 27 taong gulang. Ilan pa sa mga kailangan rin ay ang pagiging positibo ng ugali at mature ang pag-iisip.

Mahalaga rin ang pagiging magaling ng isang FA sa pakikipag-usap o komunikasyon. Kinakailangang magaling ito sa wikang English sa parehong pasalita at pasulat.

Marami man ang kinakailangang ipasang requirement upang maging isang FA, mayroon namang tiyak at maayos na pasahod kapag tuluyan nang natanggap sa trabaho.


Ayon mismo sa DOLE o Department of Labor and Employment, nasa Php 18 000 - Php 26 000 ang maaaring maging sweldo ng isang FA kahit nagsisimula pa lamang. Kapag tumagal, maaari pa umano itong tumaas at umabot ng Php 36 000 - Php 54 000. Maliban pa umano sa sweldong ito ang ilang mga ‘incenteive’ na ibinibigay ng kompanya sa isang FA.

Kaya naman, kahit na maraming kailangang pagdaanang proseso na kailangang ipasa, marami pa rin ang nangangarap na maging isang FA. Hindi nga naman kasi matutumbasan ang kasiyahan na makapasyal o makapunta sa iba’t-ibang bansa bilang trabaho at ng libre.