Hinangaan at naging inspirasyon sa mga netizens ang isang batang babae na kamakailan lang ay nagtapos ng pag-aaral sa elementarya. Sa loob anim na taon, kinaya nitong lakarin ang mahigit sa dalawang kilometrong layo ng paaralan kahit na iisa lamang ang paa nito.
Ang pag-aaral ay isang kayamanan na kailanman ay hindi mananakaw. Dahil rito kaya marahil ay labis ang pagpapahalaga at pagsusumikap ng batang si Jean Areja Derapal sa pag-aaral, sa kabila ng dinadalang kapansanan.
Iisa man ang paa, hindi ito naging hadlang upang kayanin ni Derapal na lakarin ang mahigit sa dalawang kilometrong daanan nito papuntang paaralan. Kaya naman, sa kanyang pagtatapos, ginawaran ito ng parangal dahil sa ipinakita at hindi matatawaran nitong sipag at dedikasyon sa pag-aaral.
Ang mga ito umano ang hinangaan ng school principal na si Junar T. Mahilum kay Derapal kaya ito binigyan ng parangal. Ibinahagi ni Mahilum sa kanyang facebook account ang kanyang naging paghanga sa bata at kung paanong nakakabilib na nakaya nito ang anim na taong hirap sa pag-aaral dala ng kondisyon nito.
“I am so touched upon seeing this young, little girl as a graduate for this school year. She needs to handle everyday, more or less 2 kms. walking terrain just to reach school. (more or less 4 kms. talaga kasi sa pag-uwi pa)
“I really appreciate her perseverance and dedication just to finish her education. Imagine, that is for 6 long years and that is everyday,” saad pa ni Mahilum.
Dahil dito, mabilis kumalat at naging trending ang naturang post ng principal. Katulad ng principal, madaling naantig ang mga puso at humanga rin sa batang babae ang mga netizen. Sa ngayon, umabot na sa halos 30 000 ang nalilikom na shares ng post ni Mahilum.
Mas nagpaantig pa sa puso ng mga netizen ang umano’y naging hiling ni Derapal sa kanyang pagtatapos. Ani nito, hiling niya na magkaroon na sana ng artificial na paa upang hindi na umano siya mahirapan pang maglakad. Nais umano nitong maging normal na ang kanyang paglakad.
Maliban rito, pangarap ni Derapal na maging isang doktor balang araw. Sa pagiging doktor, gusto umano nitong makatulong sa mga taong katulad niyang mayroong kapansanan.
“I was even touched with her wish na sana daw ay magkaroon siya ng artificial foot para makalakad siya ng normal at makapagtapos ng kanyang pag-aaral. Pag-aaral talaga ang priority.
“Gusto niya maging doctor para makatulong daw siya sa may mga kapansanang katulad niya,” dagdag pa ni Mahilum.
Ani pa nito, nararapat lamang umano na maging inspirasyon at tularan si Derapal ng mga bata sa pag-aaral. Sa kabila man ng iniindang kapansan, hindi ito tumigil o di kaya ay sumuko. Bagkus ay nagsumikap pa ito at mas lalo pang nangangarap hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa ibang mga tao.
Sana ay maraming tao pa ang makaalam at makabasa ng kwento ng batang si Derapal upang lalo pa itong makaimpluwensiya at maraming bata ang mayroong makuhang aral galing sa kwento ng buhay nito.
Source: Facebook