Isang mayamang businessman na tumutulong sa mahihirap ang maugong ngayon ang pangalan sa social media.
Ito ay si Francis Marcos na kilala ngayon sa paggawa ng Facebook Live na nagpapakita ng pagbabahagi niya ng kanyang yaman sa mga apektado ngayon ng COVID-19.
Maliban rito, hinihikayat rin niya ang ibang mga maituturing na mayaman na magbahagi rin ng kahit kaunti para sa mga nangangailangan na apektado ng pinapairal na enhanced community quarantine sa Luzon.
Ngunit, isang rebelasyon ang ibinahagi ni Francis sa social media na mayroong kaugnay sa pagtulong nito sa mga mahihirap.
Ayon kay Francis, ang pagtulong niya umano sa mga mahihirap ang naging dahilan kung bakit ito hiniwalayan ng kanyang asawa.
Sa isa sa mga Facebook Live nito, ibinahagi ni Francis ang tungkol sa pakikipaghiwalay sa kanya ng misis.
“Sa totoong buhay po ay hiniwalayan po ako ng aking asawa dahil sa ginagawa ko. Pero, tinanggap ko po ‘yon dahil hindi ko po kayang [magbago]. Mas pinili ko po ‘yong pagtulong sa taumbayan kaysa sa sarili kong kapakanan. Mas pinili ko po ang pagtulong ko sa tao kaysa sa sarili ko,” saad pa ni Francis.
Ngunit, ayon kay Francis ay hindi naman umano siya nawawalan ng pag-asa na muli silang magkabalikan ng misis.
Anito, umaasa siya na maiintindihan ng kanyang asawa ang kanyang gingawang pagtulong sa mga nangangailangan at na mahalin siya nito dahil rito.
“Umaasa pa rin ako na lalambot ang puso ng aking asawa at maiintindihan niya itong ginagawa ko, at mamahalin niya kung sino man ako, at kung ano ‘yong ginagawa ko para sa taumbayan,”
“Pinapili niya ho ako eh. Magbabago daw po ba ako o hindi. Ang sabi ko eh, ‘kung masama ako ay hindi na dahil eto na ako ‘eh, pero kung masama ang maging mabuti ay hindi na rin ako magbabago’,”
Si Fancis Marcos ang nagpasimuno ng tinatawag na ‘Mayaman Challenge’ sa social media. Dito, kumakatok siya sa mga mayayamang tao upang hikayatin na magbahagi kahit kaunti lamang para sa mga labis na apektado ng COVID-19.
Aniya, hindi umano sapat ang mga ibinibigay ng gobyerno para suportahan ang mga mahihirap na apektado ngayon ng pandemic kaya niya hinihikayat ang mga mayayaman na magbahagi rin.
Si Francis mismo ay nakapagabahagi na umano ng halos 500 sako ng bigas bilang tulong sa mga mahihirap na malampasan ang epekto ng COVID-19.
Kinlaro naman ni Francis na hindi ito nagpapasikat o di kaya ay nagmamalaki ng kanyang yaman. Hindi umano ito para sa kanya at hindi niya na raw kailangang sumikat pa dahil, biro niya pa, sikat na raw ito.
Maliban rito, namigay rin umano si Francis ng mga pagkain sa mga guwardiya ng village na kanyang tinitirhan.
Si Francis ang umano’y CEO ng Marcos Group of Companies at ito rin umano ang chairman ng Volunteers Against Poverty Foundation.
Maliban rito, wala pang ibang detalye tungkol sa businessman. Mayroong mga sabi-sabi na si Francis ay ang pamangkin ni Fortuna Marcos Baba, ang kapatid ni dating Presidente Ferdinand Marcos.
Panoorin ang buong bidyu sa baba:
Source: pinoysocialhub