Hindi mapigilang maging emosyonal ng mga netizen sa nakakaantig ng pusong sitwasyon ng isang siyam na taong gulang na batang lalaki sa Cebu na naging positibo sa COVID-19.
Sa kabila ng pinagdadanan, nakakahanga ang higpit ng pananampalataya sa Maykapal ng batang si Gabriel, hindi nito tunay na pangalan.
Sa isang episode ng programang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’, makikita ang batang ito na taimtim na nagdarasal habang nakaluhod.
Nakaka-antig ng puso ang tanawing ito kung saan, mag-isang nagdarasal habang nakaluhod ang bata. Sa lalim ng pananampalataya nito, umiiyak pa ito habang nagdarasal.
Ayon sa bata, ipinagdarasal umano nito sa Panginoon na mawala na ang virus. Kahit hindi niya umano nakikita ang Panginoon, mahigpit ang paniniwala ng bata na siya ay tutulungan.
“Hindi Siya nagpapakita. Babantayan lang Niya ako kung may virus. ‘Yung aming pagsamba, aalis ang demonyo at virus. Siya ang aking lakas,” ani niya pa.
Tuwing gabi, hindi kinakaligtaan ni Gabriel ang magdasal. Kasama nito palagi sa pagdarasal ang kanyang pinsan sa pamamagitan ng video call.
Magmula ng maging positibo sa COVID-19, hindi na nakasama pa ng bata ang kanyang mga magulang at pamilya.
Nananatili ito ngayon sa isang isolation center sa Cebu kasama ang iba pang mga indibidwal na positibo rin sa COVID-19.
Kasama ang mahigit sa isang daang mga pasyente na positibo sa COVID-19, si Gabriel lamang umano ang walang nanay o tatay sa naturang isolation center.
Sa kanyang pamilya, si Gabriel ang bunso sa apat na magkakapatid. Ito lamang sa kanila ang mag-isang nahawaan ng COVID-19.
Kaya naman, madalas ay mag-isa lamang itong kumain at magdasal sa isolation center.
Naiibsan lamang umano ang pagkamiss ng bata sa kanyang mga magulang sa tuwing nagpapalitan ang mga ito ng text at tumatawag.
Bagama’t madalas kung magtext at tumawag si Gabriel sa kanyang mga magulang, hindi pa rin maiwasan na mangulila sa kanya ang kanyang ina.
“Sobrang sakit… ni hindi mo siya mayakap, hindi mo siya mahalikan, hindi mo siya makatabi dahil malayo siya,” emosyonal pang sambit ng nanay ni Gabriel.
Para naman sa ama ni Gabriel, bukod sa labis na pangungulila at pagkamiss sa anak, hindi rin nito maiwasang isipin na sana umano ay siya na lamang ang dinapuan ng COVID-19 at hindi ang kanyang anak.
“Mas okay pa na sa akin nalang dumapo ang sakit kaysa sa aking anak ang makaranas kasi ang bata pa niya,” saad pa nito.
Walang permanenteng trabaho ang tatay ni Gabriel habang ang kanyang nanay naman ay nagtitinda ng lugaw.
Bagama’t aminadong hindi gaano malapit sa Panginoon ang mga magulang ni Gabriel, ani ng mga ito ay iba umano sa kanila si Gabriel dahil ito daw umano palagi ang nagpapaalala sa kanila na mayroong Panginoon.
Mahigpit umano ang pananampalataya ng bata at siya pa umanong palaging nagsasabi sa magulang na huwag mag-alala at maniwala lamang sa nasa itaas.
Sa katunayan, tuwing uuwi raw ito galing sa paaralan ay nagbabasa ito ng bibliya hanggang sa makatulog.
Kaya naman, ngayong mayroong malaking pagsubok na hinaharap si Gabriel, tanging ang Panginoon ang kanyang kinakapitan.
Panoorin ang buong video dito!