Isa na namang kwento na kapupulutan ng inspirasyon ang naging viral sa social media. Tungkol ito sa pagtupad ng isang mabuting anak sa matagal nang pangarap ng kanyang ama; ang magpatayo ng bahay.

Limang taong pinagsikapang buuin ni Randy Oliverio ang bahay na ito na ngayo’y kanya nang maipagmamalaki.

Mula sa malimit na pagguhit ng kanyang ama sa pinapangarap nitong buhay, nang magsimulang kumita ay sinimulan ring isakatuparan ni Randy ang pangarap na bahay na ito ng kanyang ama.

Ayon kay Randy, lumaki ito sa bahay na puno ng tapal at minana pa umano ng kanyang ama sa mga magulang nito sa San Antonio, Northern Samar.


Bata pa lamang umano ito ay pangarap na ng kanyang ama na maipagawa ang naturang bahay. Pangarap nito na magkaroon ng dalawang palapag na bahay na mayroong balkonahe sa taas.

Kaya naman, habang lumalaki ay ipinangako ni Randy sa sarili na tutuparin ang pangarap ng kanyang ama.

Dahil rito, nang magsimula na itong magtrabaho at kumita, ang pagpapagawa sa naturang bahay ang naging prayoridad ni Randy.

Ngunit, madalas ay nakakatanggap umano ng payo si Randy na hindi umano magandang investment ang pagpapatayo ng bahay sa probinsya.


Ani kasi ng mga ito, walang ROI, o return of investment, ang pagpapagawa ng bahay kaya mas mabuti umanong ilaan nalang sa isang negosyo ang ipampapagawa nito.

Bagama’t aminadong mayroong katotohanan ang mga payong ito sa kanya, mas nanaig pa rin kay Randy ang matupad ang matagal ng pangarap ng kanyang ama at nilang pamilya.

Anito, nais niya umanong maranasan ng kanyang mga magulang na tumira sa isang magandang bahay. Nais niya rin umanong ibigay sa mga ito ang mga bagay na nakakapagpasaya rito hangga’t kasama pa niya ang mga magulang.

Kaya naman, dahil sa kanyang pagsisikap na makamit ang mga ito, matapos ang limang taon ay naipatayo na sa wakas ni Randy ang kanilang matatawag na ‘dream house’.

Bawat poste at pader ng naturang bahay ay galing sa lahat ng pagsisikap ni Randy sa trabaho kaya ganun na lamang ang saya nito sa pagkakabuo ng bahay.


Sino ba naman umano ang mag-aakala na ang dating pangarap lamang nila at tanging iginuguhit lamang ay magiging totoo pala balang araw.

Sinong mag-aakala na totoong titira na silang pamilya sa dalawang palapag na bahay at mayroong balkonahe na tanging pangarap lamang nila dati.

"God is Good talaga. Sino ang mag-aakala na ang mga biruan lang namin nuon na pangarap na magkaroon ng bahay na 2nd floor na my terrace ay magiging totoo…

“Yung pangarap na bahay na sa papel ko lang dati nakikita ay hindi na drawing. Yung tipong kahit my bagyo hindi na ako mag woworry na maraming tulo yung bahay namin, baka basa na sila sa loob ng bahay, baka bumagsak yung bubungan dahil marupok na,” saad pa ni Randy.

Wala mang ROI na makukuha si Randy sa pagpapatayo ng kanilang bahay, higit pa umano sa ROI ang kapanatagan ng loob na naibigay sa kanya nito. At ito ay ang makitang masaya at nasa maayos na kalagayan ang kanyang mga magulang at pamilya.

Source: thedailysentry