Ikinagulat ng isang Nurharija Kim Rosqueta ng Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose Rodriguez, Rizal ang kanyang natuklasan nang kukuha na sana siya ng ayuda galing sa Social Amelioration Program ng DSWD.
Imbes kasi na pangalan nito ang nakasulat sa listahan ng mga benepisyaryo, pangalan ng alaga niyang aso ang nakalagay sa masterlist.
Gulat at laking pagtataka naman ni Rosqueta sa nangyaring ito na ang pangalan ng kanyang aso na si Margarita ang nasa listahan.
Galing ang ulat na ito sa Twitter post ni Mark Makalalad ng Super Radyo DZBB nito lamang Biyernes, ika-15 ng Mayo.
“Aso, pasok sa listahan ng SAP beneficiaries sa Kasiglahan Village, Brgy. San Jose Rodriguez, Rizal.
“Ayon kay Nurharija Lim Rosqueta, nagulat sya ng makita sa masterlist na pangalan ng kanyang aso na si Margarita ang nakalista para sa ayuda,” saad pa ni Makalalad sa kanyang Twitter post.
Kaya naman, dahil sa naturang pagkakamali o kalituhan, hindi umano naibigay kay Rosqueta ang naturang ayuda.
Bagamat address ni Rosqueta ang nasa listahan, ang nakasulta ritong pangalan ay ‘Margarita’ Lim Rosqueta. Karaniwan nang ginagamit ng mga alagang hayop ang apelyido ng pet owner sa kanilang medical records.
Gayunpaman, kahit ipinaliwanag na ni Rosqueta na pangalan ng alaga niyang hayop ang nasa listahan, hindi pa rin ito nabigyan ng nararapat na ayuda. Matapos ang mahabang araw ng pila, umuwi lamang itong walang dala.
Kahit na ipinakita na umano nito ang kanyang ID na nagpapatunay na ang nakalagay na adress ay kanya at isang pagkakamali ang paglalagay ng pangalan ng kanyang aso, hindi pa rin ito binigyan.
Hindi naman umano makapagbigay ng paliwanag ang barangay tungkol sa naturang pangyayari. Hindi rin umano nito matukoy kung bakit ‘Margarita’ ang pangalang nasa listahan.
Dahil hindi nabigyan ng ayuda dahil sa naturang pangyayari, humihingi ng paliwanag si Rosqueta sa barangay kung bakit nangyari ang ganoong pagkakamali.
Ano nga ba ang nangyari sa sistema ng pagve-verify ng listahan ng mga makakatanggap ng ayuda galing sa SAP at kailangang mangyari ang naturang kamalian.
Bukod sa pagkalito dahil ang pangalan ng kanyang aso ang nasa listahan, kasabay ng panghihinayang ay ang pagkadismaya rin ni Rosqueta dahil sa haba umano ng naging pila na kanyang tiniis na inabutan pa umano ng ulan.
Matapos ng mga ito, iyon pala ay uuwi lamang siyang wala ring napala dahil sa nangyaring kamalian na hindi rin naman umano maipaliwanag ng mga kawani sa kanilang barangay.
Ang SAP ay ang programa ng pamahalaan at DSWD kung saan, binibigyan ng ayuda ang mga apektado ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Bago makatanggap, sinasala muna ng maigi ang mga mamamayan na kwalipikadong makatanggap ng ayuda galing sa SAP.
Mayroon ang mga itong hinihinging form kung saan kompleto na ang mga kailangang impormasyon na dapat sagutan ng mga magiging benepisyaryo.
Ngunit, maganda man ang intensyon ng programa, hindi pa rin nawawala ang mga anomalya na nakapalibot dito.
Ilang beses nang mayroong napabalita na mayroong mga pandaraya umano sa pilian ng mga maaaring makatanggap ng ayuda.
Gayunpaman, sinisiguro ng gobyerno at DSWD na maayos ang magiging sistema ng SAP at masosolusyonan nito ang mga umano’y problema.
Source: whereinbacolod