Hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ang marami na mayroon ngang relasyon ang aktres na si Julia Barretto at aktor na si Gerald Anderson. Bagama’t ilang taon na ring iniuugnay ang dalawa, hindi kailanman kinumpirma ng mga ito ang tungkol sa naturang balita.

Ngunit, sapat na para sa mga netizen ang mga ibinahaging clue ni Julia tungkol sa estado ngayon ng kanyang relasyon at tungkol sa lalaking nagpapasaya sa kanya ngayon. Kumbinsido ang mga netizen na walang iba kundi ang aktor na si Gerald ang tinutukoy ng aktres. Tugma rin kasi dito ang ilan sa mga larawan at paglalarawan na ibinabahagi ni Julia tungkol sa lalaking ito ngayon sa kanyang buhay.

Samantala, minsan namang natanong tungkol dito ang ama ni Julia na si Dennis Padila. Ngunit, ayon kay Dennis ay wala rin umano siyang alam kung talagang mayroon ngang relasyon ang anak at si Gerald.

Ayon kay Dennis, hindi niya naman umano tinatanong tungkol dito ang anak hangga’t hindi ito ang unang nagkukwento tungkol sa naturang bagay. Naiintindihan niya rin naman umano kung mayroon ngang katotohanan ang balita at nais lamang ni Julia na magkaroon ng pribadong buhay kaya hindi ito nagbibigay ng detalye.

Gayunpaman, hininhintay niya rin umano ito na magkwento si Julia at handa naman siyang makinig dito. Ani pa ng ni Dennis, 

“Kapag hindi siya nagkukuwento, hindi naman ako nagtatanong… Siguro she wants to be private lang din. Kung magu-open up siya, makikinig lang ako. Kung hindi man, antay lang ako kung kailan siya magsasabi sa akin.”


Dagdag pa ni Dennis, ang importante naman umano ay ang kasiyahan ng anak kaya hangga’t masaya ito ay masaya lang din para kay Julia si Dennis. Alam niya naman umano na responsableng klase ng tao ang kanyang anak at kaya na nitong pangalagaan ang sarili.

“Siyempre, kailangan naman nating respetuhin din yung karapatan ng ating mga anak, siyempre personal naman nila yun eh.

“Kung saan naman masaya ang anak ko, dun ako. Ang pinaka-importante, she’s a very responsible woman. Meron naman siyang sariling hanap-buhay,” saad pa ni Dennis.

Alam niya rin naman umano na alam ng anak ang tama sa mali kaya nakasuporta lamang palagi rito si Dennis. Ani pa nga nito, ‘one text away’ lamang daw siya kapag kailangan siya ni Julia.

“She’s an adult. She’s already 23. So, I’m sure alam naman niya kung saan ang tama at mali. Sa akin lang, kung saan siya masaya eh dun ako susuporta. Basta nasa likod lang ako. I’m just a text away kung ano man ang problema,” saad pang muli ng aktor at komedyante.


Ngunit, mayroon namang inihayag na mensahe at paalala si Dennis sa napapabalitang karelasyon ng anak na si Gerald. Ani nito sa aktor, sana raw ay pangalagaan nito si Julia at huwag itong lolokohin. Kung totoong mahal daw nito ang kanyang anak ay hindi niya raw ito sasaktan. 

“Kung mahal mo naman 'yung daughter ko, alagaan mo na lang siya. Huwag mo lang sasaktan. Saka huwag mo lang lolokohin para mas masaya ang buhay,” ang paalala pa nga ni Dennis kay Gerald.

Source: ABS CBN