Aminado ang aktor na si Jeric Raval sa pagkakaroon nito ng maraming mga anak mula sa iba’t-ibang mga babae. Sa pagkakatanda ng aktor, nasa 18 umano lahat ang kanyang mga anak. Kaya naman, ito umano ang isang bagay na kung mabibigyan ng pagkakataon ay hindi niya na gagawin ulit. 

Alam daw kasi nito na ang kanyang legal na asawa ang pinaka nasaktan para sa lahat ng ito. Pagbabahagi pa ni Raval,

“Yun ang hindi ko na dadaanan uli. Siyempre, nasasaktan yung asawa ko. Nagdaramdam din siya sa mga ginagawa ko, pero hindi ko siya pinagbuhatan ng kamay.”

Gayunpaman, hindi pa umano siya sigurado kung 18 lamang talaga ang kanyang anak. Minsan daw kasi ay mayroong mga nagpapakilala rito na anak niya raw. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi na raw nagdadalawang-isip si Raval at agad tinatanggap ang nagpapakilalang anak.

Minsan, sa isang shooting ay mayroon umanong nagpakilala sa aktor na kanyang anak. Hindi niya raw kilala ang tinatanong ditong pangalan ng babae ngunit, upang hindi ito magdamdam ay sumang-ayon na lamang siya nang sinabi nitong siya umano ang kanyang ama.

“There was a time, may shooting ako sa bandang Olongapo, may nagpalitrato sa akin. Ang sabi niya, ‘Idol, pa-picture, ha?’

“Habang nagse-selfie kami, may itinatanong siya sa akin na babae, ‘Idol, kilala mo ba si Claire?’


“Sabi ko, 'Ang dami kong kilalang Claire. Sinong Claire?' Siyempre, hindi ko na natatandaan. Pero kahit hindi ko natatandaan, sinabi ko oo para hindi siya mapahiya. 'A, oo, kilala ko, bakit?' Kasi sabi niya, 'Kayo raw ang tatay ko…'

“Ang sabi ko naman, 'Ah, ganoon ba? Welcome to the club. Kumusta ka naman, anak?',” kwento pa nga ni Raval.

Ayon kay Raval, hindi niya na raw kailangan ng mga patunay kung totoong siya ang tatay nito dahil tanggap niya naman umano kung talagang sasabihin ng mga ito na siya nga ang kanilang tatay. Kung ito rin daw ang magpapasaya sa kanila ay sige lamang ang aktor.

“Ako naman, mapatunayan ko o hindi kung gusto niya na ako ang tatay niya, e, di sige. Mabibigyan ko pa siya ng kasiyahan. Saka malaki na siya, e, kapag idinenay mo ‘yon, magdaramdam sa 'yo yun, anak mo man siya o hindi. E, yun lang tanggapin mo siya na anak mo, malaking pasasalamat na ‘yon.

“Kung minsan nga, meron kang kaibigan, itinuturing mo na kapatid, yun pa pa kayang nagpakilala sa 'yo na anak mo? Wala naman problema sa akin yun,” ani pa ulit nito.

Si Raval ay isa sa mga kilalang action star noong dekada 90. Dahil sa kanyang career, kinailangang itago noon ng aktor na kasal na ito sa isang babae. Sa kabila ng lahat, nanatili pa rin sa tabi ng aktor ang misis nitong si Holiday Buensuceso kaya hinahangaan ito ng marami. Sa 18 anak na sinasabi nito, apat ay sa kanyang legal na asawa.

Sa ngayon ay sumusunod na sa yapak ni Raval ang isa sa kanyang mga anak na si AJ Raval. Isa sa mga unang roles na tinanggap nito ay isang sexy role ngunit, aminado siya na hindi suportado ng kanyang ama ang pagtanggap niya sa ganitong klase ng role.


Source: PEP