Nitong nakaraang mga araw, isang kontrobersyal na Facebook post ang ibinahagi ng vlogger na si Donnalyn Bartolome. Dito, hindi man diretsahan ay tinutukoy umano ni Donnalyn ang dalawa sa mga nakasama nitong vlogger sa kanyang latest vlog na “EXTREME LAST TO LEAVE THE POOL WINS 1 MILLION”.

Lumalabas na nagkaroon umano ng pikunan sa pagitan ng dalawa sa mga vlogger na kasali sa kanyang challenge na sina Marco Gumabao at Super Tekla. Dahil dito, ayon kay Donnalyn ay burado na umano ang natura niyang vlog at mayroon din itong sinabi tungkol sa pagkakaibigan.

Heto ang naging buong saad ni Donnalyn sa natura nitong Facebook post:

“Deleted na yung vlog okay na tayo? 1M yunn. 1M. 1 Million pesos galing saakin mismo yung pera na yun. Tingin niyo madali lang ibibigay ang 1M? Malamang may ahas at crocodile dun kaya mas okay magsialisan na lahat sa pool, nangangagat talaga yung mga buhaya na yun. Kaya nga tayo may waiver at medic kasi unsafe. Kaya ko doblehin yang 1M na yan making content with you guys, kikitain natin yan kahit di kayo manalo so sana walang pikunan. 

“Sayang friendship grabe..

“LAST TO LEAVE THE POOL WINS 1 MILLION PESOS tapos kailangan bawal new rules? Pwede umakyat sa railing for like 30 seconds and still be in the game? Come on.”

Ayon sa mga netizen na nakapanood ng video bago pa ito mabura, kasali din umano sa laro sina Donita Nose, Mika Salamanca, at Asian Cutie. Ngunit, unang natanggal sa laro ang mga ito. 


Nagkaroon umano ng kalituhan sa video dahil sa hindi pagkakaintindihan sa rules na ibinigay ni Donnalyn. Sa isang bahagi ng video, umangat umano si Marco mula sa pool at sumabit sa railings. Ngunit, hindi ito natanggal dahil nangatwiran ito na nasa pool pa rin naman siya.

Matapos nito ay nagdagdag ng panibagong rule si Donnalyn sa laro. Dito, naglagay siya marker na bawal lampasan ng mga natitirang kasali sa laro. Bawal na rin sa pagkakataong ito ang umangat sa tubig.

Ngunit, nang mayroon umanong lumapit na buwaya kay Tekla, napaatras daw ito at napalampas sa marker na inilagay ni Donnalyn. Kaya naman, out na sana sa laro si Tekla, ngunit gaya ni Marco ay nangatwiran din ito sa kapwa vlogger.

“Late ka nagsabi ng rules. Dapat bago mag-start clear lahat ng rules kasi kompetisyon ito. It’s unfair,” ang ani pa raw dito ni Tekla. 

Ayon sa mga ulat, maaaring nagkaroon umano ng pikunan sa mga ito sa laro. Hindi naman malinaw kung ano ang nangyari matapos nito dahil pagkatapos magbihis nina Marco at Tekla ay basta na lamang daw umalis ang mga ito. 


Samantala, inakala naman ni Donnalyn na pina-prank lamang siya nang mga kapwa vlogger sa biglaang pag-alis ng mga ito. 


Gayunpaman, isang araw lamang matapos ang post na ito ni Donnalyn, mukhang ibinalik na nito ang naturang vlog at muli na itong mapapanood sa kanyang YouTube channel. Ayon sa mga nakapanood na nito, nakaabang sila ngayon sa ikalawang bahagi raw ng naturang vlog. 

Source: PEP