Sa virtual mediacon ng TNTCON 2021, kasama ang dalawang iba pang Thai actors ay sumabak si Mario Maurer sa patok na “Jojowain o Totropahin” Challenge sa bansa.

Kasama rito ng 33 taong gulang na si Maurer sina Gulf Kanawot at Nonkul Chanon. Si Gulf ay napanood sa “Tharn Type 2019 BL series habang si Nonkul naman ay kilala sa pagganap nito sa pelikulang “Bad Genius” noong 2017.

Hindi pamilyar sa tatlo ang naturang challenge kaya ipinaliwanag muna sa mga ito kung paano ito gagawin. Ipinaliwanag sa mga ito kung ano ang ibig sabihin ng jowa at tropa.

Sa mga larawan na ipinakita kina Mario, isa sa mga ito ay ang kilalang aktres na si Liza Soberano. Para kay Mario, “jojowain” umano para rito ang aktres. Kwento pa ng aktor, hindi niya pa umano nakikilala sa personal si Liza.  Para naman kay Gulf, “jojowain” din ang naging sagot nito para kay Liza.

Samantala, “totropahin” naman umano para kay Nonkul si Liza, ngunit mayroon siyang paliwanag dito. Ayon kasi kay Nonkul, medyo mas gusto niya umano ang mga may “Asian beauty”.

Maliban kay Liza, kabilang din sa mga larawan na ipinakita sa tatlo ay ang larawan naman ng kilalang aktres sa bansa na si Bea Alonzo.

Ayon kay Mario, “totropahin” umano nito si Bea. Maliban dito, pinuri rin ng aktor si Bea dahil sa galing nito sa pag-arte. Sa katunayan, kung magkakaroon man daw ito ulit ng proyekto sa Pilipinas ay gusto niyang gabayan siya ni Bea sa kanyang pag-arte. Binigyan din nito ng payo ang aktres tungkol sa pag-ibig matapos na ibahagi rito ng host na kakagaling lamang ni Bea sa isang break-up.

Sa kabilang banda, “totropahin” din ang mga naging sagot nina Nonkul at Gulf para kay Bea. Pagkatapos ng aktres, ang larawan naman ng vlogger na si Mimiyuuh ang ipinakita sa tatlo. Ani naman ng mga ito, gaya ni Bea ay gusto rin nilang maging ‘tropa’ ang kilalang vlogger at komedyante.



Samantala, sa naturang mediacon ay nalaman din ni Mario na fan nito si Miss Universe-Philippines Rabiya Mateo. Natuwa naman dito ang aktor at nagbigay ng mensahe para sa beauty queen.

“I am very happy to know that she’s a fan of mine. And I’m happy to hear that, and I wish her good luck,” mensahe pa nga ni Mario para kay Rabiya.

Hindi lamang sa Thailand kilala ang aktor na si Mario Maurer. Kilala din ito sa Pilipinas dahil sa ginawa nitong pelikula noon katambal ang Pinay actress na si Erich Gonzales. Bumida ang dalawa sa 2012 movie na “Suddenly It’s Magic” na talaga namang pumatok at kinakiligan ng mga Pilipino.

Ngunit, kamakailan lang ay umani ng hindi magagandang reaksyon mula sa mga Pilipino si Mario matapos ang kontrobersiya tungkol sa ipinadalang demand letter ng kompanya nito sa aktres at komedyanteng si Kakai. Dito, animo’y kinondena ng kampo ni Mario ang paggamit daw ni Kakai sa pangalan ng aktor at pagbanggit dito sa ilang mga panayam. 


Maliban kay Erich, nakasama din noon ni Mario si Kakai sa nasabing pelikula kung saan sila naging magkakaibigan.

Source: KAMI