“Kung kayo talaga para sa isa’t-isa, kusa kayong pagtatagpuing muli ng tadhana.”

Madalas na naririnig ng marami ang kasabihang ito lalo na sa tuwing mayroong mga naghihiwalay na magkasintahan. Minsan kasi, kahit minsan nang naghiwalay ang dalawang taong nag-iibigan ay pinagtatagpo pa rin itong muli ng tadhana.

Ganitong-ganito ang nangyari sa netizen na si Junbie Raymundo Jumalay at sa kanya na ngayong asawa na si John Michael Dumalay. Hindi katulad ng iba, minsan na kasing naghiwalay ang dalawa at nakipagrelasyon sa ibang tao ngunit, sa huli ay muli pa rin nilang natagpuan ang isa’t-isa.

Ayon kay Junbie sa ibinahagi nitong Facebook post, literal na pinakasalan umano nito ang kanyang ex-boyfriend na si John Michael. 

“I married my ex… as in my ex,” ani pa ulit ng netizen.

Pagbabahagi pa nito sa kanilang kwento, halos dalawang taon din umano silang naghiwalay noon ni John Michael ngunit, nanatili pa rin naman silang magkaibigan nang mga panahong iyon. 

Sa paghihiwalay nilang iyon, pareho silang nakatagpo ng ibang taong mamahalin. Ngunit, hindi rin nagtagal ang kanilang mga naging relasyon sa iba. Kwento ni Junbie, nang maghiwalay umano si John Michael at ang nobya nito noon, matapos lamang ang isang buwan ay naghiwalay din sila ng kanya namang nobyo. 


Sakto rin na muling nagtagpo ang kanilang mga landas pagkatapos ng kanilang mga hiwalayan sa kanya-kanya nilang mga relasyon. Aminado noon si Junbie na masakit sa kaniya ang naging hiwalayan nila ng nobyo at maging si John Michael din kaya naman, ang isa’t-isa ang kanilang naging sandalan.

Sa kabila ng literal na pagiging mag-ex, muling nagkaroon ng komunikasyon ang dalawa hanggang sa muli na namang bumalik ang kanilang nararamdaman para sa isa’t-isa. Sa loob lamang umano ng dalawang buwan ay nasa MU stage na muli ang kanilang naging relasyon ni John Michael.

Hindi nga nagtagal ay tuluyan na silang nagkabalikan noong taong 2020. Matapos naman ang isang taon, nito lamang 2021, ay humantong na rin silang dalawa sa kasalan. Dati mang nagkahiwalay, talagang pinatunayan ng dalawang ito na muli nilang mahahanap ang isa’t-isa kung talagang sila nga ang nakatadhana.

Ayon pa kay Junbie, sa nangyari sa kanila ay hindi umano totoo na hindi na pwedeng balikan pa ang isang taong minsan mo nang hiniwalayan. Kaya naman, natatawang payo nito sa mga magkasintahang naghiwalay, huwag daw mawalan ng pag-asa ang mga ito dahil baka muli rin silang magkabalikan lalo na't sila naman talaga ang para sa isa’t-isa.

Umani naman ng positibong mga komento ang ibinahaging Facebook post na ito ni Junbie na ngayon ay mayroon nang mahigit sa 22,000 reaksyon mula sa mga netizen. 


Dito, marami ang kinilig sa kwento ng pag-ibig nina Junbie at John Michael. Humanga ang mga ito sa pag-iibigan ng dalawa na minsan nang sinubok ng panahon. Dahil naman sa kwentong ito ng dalawa ay nabigyan umano ng pag-asa ang ilan na baka muli rin silang magkabalikan ng kanilang mga kasintahan. 

Pabirong ani pa nga ng iilan, dahil sa naturang Facebook post ay mukhang dumami umano ang mga nagbabakasakaling babalikan din sila ng kanilang mga ex o dating karelasyon.

Source: facebook