Matapos na unang maibahagi ang kanyang kwento sa programang ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’, patuloy ang pagbuhos ng magagandang mga balita para sa 10 taong gulang na batang si Reymark mula Sultan Kudarat. 

Unti-unti nang natutupad ang mga hiling ng bata na kahit sa murang edad ay banat na ang buto sa pagtatrabaho at pag-aararo sa bukid. Kamakailan nga lang, ang isa sa pinaka-pinangarap ni Reymark ay natupad na nang muli nitong makita at makasama ang ama na matagal na nahiwalay dito.

Hiwalay na ang mga magulang ni Reymark. Ang ina nito ay mayroon nang ibang pamilya habang ang kanya namang ama ay mahigit isang taon niya nang hindi niya. akikita matapos na umalis ito dahil sa kasong kinakaharap.

“Miss na miss na rin po dahil sa ibang bata po, naglalambing po sila ng kanilang tatay po. Ako po ay nanonood na lang po. Parang pini-feel ko na po na parang may nagyayakap po sa akin ang aking tatay,” kwento pa ni Reymark.

Kita sa bata kung gaano nito nami-miss ang ama at nais na muli itong makasama. Dinadasal nito palagi na sana maayos ang sitwasyon nito at na sana ay muli na itong umuwi sa kanila.

Kaya naman, nang mapanood umano ng ama ni Reymark na si Rene Boy ang tungkol sa panawagan ng anak, nasaktan ito nang makita ang sitwasyon at ang paghihirap ng anak na si Reymark. Dahil dito kaya nagdesisyon si Rene Boy na sumuko sa mga pulis. 


“Nasaktan talaga ako noong nakita ko siya na nag-aararo. Ayaw ko man talaga na magkaganyan siya, napabayaan ko sila. Ilang taon ko siya hindi nakasama. Sana mapatawad niya ako… 

“Kahit na hindi na-viral yung anak ko, hindi ako bumabalik sa mga tulong,” ang ani pa nga ni Rene Boy. 

Ang kaso ni Rene Boy ay pwedeng piyansahan kaya pansamantala itong nakakalabas habang hindi pa nililitis o nabibigyan ng hatol ang kasong kanyang kinakaharap. Upang harapin ito ay tutulungan umano si Rene Boy ng Public Attorney’s Office.

Samantala, sa muling pagkikita ng mag-ama, bumuhos ang luha at emosyon nang muli nilang mayakap ang isa’t-isa. Sa kanilang muling pagkikita, randam ng marami kung gaano namiss ni Reymark at ng ama nito ang isa’t-isa

Marami ang naantig sa naturang tagpo kung saan, sa kabila ng kanyang mga luha ay kita ang saya ni Reymark na muli na nitong makakasama ang kanyang tatay na matagal niya nang gustong makasama muli. 

“Masaya po ako dahil nandito siya. Salamat na umuwi na siya rito… Happy po talaga na nandito po siya. I love you!” ang ani ni Reymark sa kanilang muling pagkikita ng kanyang tatay.

Humingi naman ng tawad dito si Rene Boy sa kanyang pag-alis. Pinasalamatan at humingi din ito ng tawad sa kanyang tatay na siyang nag-alaga sa kanyang mga anak habang wala siya sa tabi ng mga ito. 


“Pang, salamat dahil kahit sa matagal na panahon na wala ako, hindi mo pinabayaan ‘yung mga anak ko. Salamat at hindi mo sila itinakwil. Kahit anong hirap hindi mo sila ipinamigay,” ang emosyonal na mensahe naman ni Rene Boy para sa kanyang ama.

Panoorin ang buong video dito!