Trending at maraming mga netizens ang naantig sa ginawa kamakailan ng kakatapos lamang sa kolehiyo na si Jello Pablicio Jalea para sa kanyang namayapang thesis partner. Dala ang naka-hardbound na kopya ng kanilang kompletong thesis paper, inihandog ito ni Jello para sa kanyang ate Elvie na ka-partner niya sa naturang research paper o thesis.

Masaya nitong inilagay sa tabi ng puntod ni Elvie ang kanilang thesis paper. Ayon kay Jello, masayang masaya ito at natapos na sa wakas ang kanilang thesis. Hiling niya na sana ay masaya rin si Elvie dahil pinaghirapan nilang dalawa na matapos ang naturang research paper. 

Nakakalungkot lamang umano at hindi niya na ito kasama ngayon dahil sa pagpanaw nito.

“Hello, te. Nandito na ‘yung research natin, te. Napa-hardbound ko na. I’m so happy! At ikaw rin diyan kung nasan ka man ngayon. Thank you sa support especially financially para sa pagtapos nito. 

“Heto na, ate. We made it! The long wait is over. Nakaka-sad lang kasi wala kana rito,” saad pa nga ni Jello.

Bago pa man nila matapos ang kanilang thesis at gumraduate, hindi inaasahang pumanaw si Elvie matapos masaksak ng kanyang live-in partner dahil sa selos. 

Ngunit, pumanaw man si Elvie na hindi lamang naging thesis partner ni Jello kundi tumayo na rin nilang ina sa klase, ang tulong at paghihirap nito para matapos ang kanilang research paper ay hindi kailanman kinalimutan ni Jello.

“Pinaghirapan po talaga namin ni Ate Elvie na mairaos ’yung thesis na ’yun,



“Sa lahat-lahat ng effort na ginagawa niya, sa mga sakripisyo niya, isang taon na lang sana. Kung kailan patapos na 'yung thesis namin at malapit na kaming makapagtapos ng pag-aaral, doon pa siya nawala. 'Di ko po talaga matanggap 'yung nangyari,” kwento pa ni Jello.

Kung nabubuhay lamang ang thesis partner, siguradong matutuwa ito ng husto na natapos nila ang pinagpaguran nilang thesis. Kaya naman, ipinangako na lamang dito ni Jello na pagkatapos na pagkatapos ng kanilang thesis ay pupuntahan niya ito upang kahit paano ay ipakita na napagtagumpayan nila ang kanilang pinagsikapang dalawa. Ani niya pa nga,

“Promise ko sa kanya, pagkatapos na pagkatapos kong mapa-hardbound yon, pupunta ako sa puntod niya, sasabihing natapos na namin.”

Samantala, sinariwa rin ni Jello kung gaano kasipag mag-aral ang kanyang thesis partner noong nabubuhay pa ito. Ayon sa estudyante, kahit mahirap ay nagsusumikap umano ang kanyang ate Elvie na makapag-aral.

Parehong working student sina Jello at Elvie sa Assumpation College of Davao. Sa gabi ay nag-aaral ang mga ito habang sa umaga naman ay nagtatrabahong security guard si Elvie. Ito na rin ang tumayong animo’y kanilang ina sa klase. 



“Sisikapin at sisikapin po niyang makapag aral kahit mahirap,” pagbabahagi pa ni Jello tungkol sa kanyang thesis partner.

Ikinabigla man ng mga ito ang pagpanaw ng kaklase, mananatili sa kanilang mga puso at isipan ang ala-ala ng kanilang ate Elvie na nagsumikap mag-aral kahit anumang hirap ang pagdaanan nito. Mensahe pa nga nina Jello para rito,

“We love you, Teacher Elvie, and hanggang sa muli… Mananatili ka sa puso at isip namin ng mga ka-major mo.”

Source: facebook