Nakakatawa ang isang babae na nakausap ni Willie Revillame matapos maswerteng nabunot ang kanyang numero sa isang "Wowowin" episode. 

Napagkamalan kasi si Willie ng babae na kanyang tinawagan na isa umano siyang scammer. Ang babae na ito ay ang lucky winner sa "Wowowin" episode nitong Huwebes, October 14.

Palibhasa hindi naman nagpapakilala kaagad si Kuya Will sa mga nakakausap niya sa kabilang linya kaya buong-ningning siyang tinawag nang paulit-ulit na “scammer.”

In-upload sa “Wowowin” YouTube channel ang mahigit walong minutong kulitan ni Willie at ng babae na bagong panganak pala.

Bungad ng TV host, “Hello? Sino to? (sumagot naman din ang babae na mainit ang ulo). Sino ‘to? Anong ginagawa mo? ‘Wag ka magalit.  May sasabihin nga ako sa ‘yo, mayroon akong magandang balita.”

Pero binabaan ang TV host ng telepono, “Ha-hahaha! Pinatayan ako. Nabuwisit, eh. Nabuwisit po siya mga kababayan.”

Tinawagan ulit ito ni Willie, “Bakit mo ako binabaan? Ayaw mo ng jacket? Ayaw mo ng tablet? Ayaw mo ng five thousand Shopee pabonus, ayaw mo ng thirty thousand?”

“Sige scam pa! Manloko ka pa!” sagot ng babae.

“Wala ka bang TV, manood ka nga?” sagot nito sa girl.

“Wala! Wala akong TV!” pasigaw na sagot ng nasa kabilang linya.

“Ayaw mo ng regalo?” balik-tanong ni kuya Will.

“Sino ba ‘to? (sabay mura ng babae). Sige scam pa, scam pa Dingdong!” sabi ulit ng girl.



Tila nairita na si Willie, “Hindi nga ako scam, anong scam!  Si Willie ‘to!  Revillame!”

“Talaga lang ha!” seryosong sagot ng girl na ikinatawa na ni Kuya Will.

Tinanong ng "Wowowin" host kung ano ang pangalan ng babae at nang kanyang binanggit, tinanong muli ni Willie kung bakit hindi siya naniniwala na siya ang kausap ng babae. 

“Hindi ako naniniwala nasa lying-in ako bagong panganak ako, sino ka ba!” iritableng sagot uli nito. 

“Ay, kapapanganak mo lang o manganganak ka palang?” sabi nito.

“Kapapanganak ko lang hindi pa nga ako nakakalabas, eh.  Sino ba ‘to kasi?” sabi ulit sa kabilang linya.

Humingi naman ng dispensa si Willie at ipinagdiinan talaga na hindi siya manloloko at para mapatunayan talaga, tinanong ni Willie na kung ano ang paboritong kanta ng babae at kakantahin niya umano ito. 

At dito na nalaman ni Willie na kaya hindi siya makalabas ng lying-in ang mag-ina dahil wala pa umanong pambayad at hinihintay pa niya ang kanyang asawa. 


Habang kinantahan ni Willie ang babae ng kanyang kanta na "Ikaw Na Nga," sinabihan pa niya ang host na baka kaboses lang umano ito ni Willie. 

Ngunit, bago matapos ang kanta, naniniwala na ang babae na si Willie talaga ang kanyang nakausap at naghihiyaw na siya sa tuwa. 

At saka ibinigay ni Willie ang napanalunan ng girl na nagpakilalang si Mary Rose na tuwang-tuwa siyempre at nagpa-shoutout pa para sa lying in clinic at sa nagpaanak sa kanyang doktor.

Panoorin ang buong video dito!