Huli sa akto ang isa sa mga tinitiliang aktor sa industriya na si John Lloyd Cruz na kasama umano ang kanyang 'rumored girlfriend' na si Isabel Santos. 

Sa naganap na Christmas Party ng Crown Artist Management sa Uptown Bonifacio, Taguig noong December 6, kitang kita na magkasama ang dalawa. 

Dahil dito, marami umano ang na-curious kung may namamagitan nga ba sa dalawa.

Sa kanilang mga group photos kasi ay makikitang naka-akbay ang nakasuot na cap na si John Lloyd kay Isabel.

Kapansin-pansin rin ang mga litrato ni John Lloyd na naka-post umano sa Instagram account ni Isabel.

Madalas sa mga kuhang litrato ni Isabel, nakatalikod umano ang aktor. Ngunit, klarong klaro naman na si John Lloyd ang nasa mga photos.

Mayroon ding litratong kuha ni John Lloyd na nakaharap habang tinitingnan ang art piece nang pumasyal sila sa Silverlens Galleries.

May litrato din ang aktor na nakatalikod nang bisitahin nila ang Finale Art File. 

Nobyembre nang unang umugong ang chika kung ano nga ba ang namamagitan sa dalawa.

May mga kuha rin si Isabel na mga litrato na pinaniniwalaang mula sa bahay ni John Lloyd

Ang nasabing 'rumored girlfriend' ng aktor na si Isabel Santos ay nagmula sa mga respetadong pamilya ng mga artists.

Ang kanyang mga magulang ay sina Soler at Mona Santos ay mga Filipino contemporary artists samantalang ang kanyang yumaong lolo ay ang award-winning painter at cartoonist na si Mauro Malang Santos.



Nanalo na rin si Isabel Santos ng grand prize ng isang global shirt competition na may temang "Draw Your World."

Nagkapag-exhibit na rin ang dalaga ng kanyang art pieces sa New York, Germany, at France.

Maraming mga netizen ang hindi na nakakita ng panibagong pelikula na pinagbibidahan umano ng isa sa kanilang mga paboritong aktor, ito ay dahil 'namahinga' muna ang aktor sa showbiz.

Kaya kamakailan lang, matapos ang ilang taong pahinga sa showbiz, bibida muli si John Lloyd Cruz sa isang pelikula isinulat ni Ricky Lee at idinirek ni Lav Diaz.


Sa kaniyang one-on-one interview kay "King of Talk" Boy Abunda, ibinahagi ni Cruz ang dahilan kung bakit niya tinanggap ang proyektong "Servando Magdamag."

Hango ito sa maikling kuwento tungkol sa karahasan sa bansa.

Source: BANDERA